KASAMA NA BA ANG MAYAYAMAN, MASASALAPI SA 4Ps? 

PRO HAC VICE

ALAM ninyo marami na akong naririnig kaugnay sa reklamong naiparating sa inyong lingkod kaya napapanahon na nga siguro na silipin o i-review ang listahan ng mga maswerteng miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na nakikinabang sa pondo ng gobyerno sa pamamagitan ng nasabing proyekto.

Binuo ang nasabing programa para mabigyan ng ayuda ang mahihirap o tinatawag na poorest of the poor. Pero paano naman kung mayroong mayaman ang nakapasok o nakasali sa listahan?

Ngayon naman ay ipapamahagi na ang amelioration package na may kabuuang na walong libong piso, depende sa maximum subsidy sa kada region, base sa minimum wage level.

Ang balita ko ay kasali rin dito ang mga kasapi ng 4ps. Dahil dito ay importante ang koordinasyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para hindi magkadoble ang ayuda. Maaari namang makipag-ugnayan kay DSWD spokesperson Director Irene Dumlao para sa nasabing isyu.

Batay sa anunsyo, ang listahan ng mga 4ps beneficiaries at unconditional cash transfer ang uunahing mabigyan ng ayuda kaya dapat linisin ng DSWD ang listahan bago bigyan ng amelioration ang mga ito.

Panawagan lang kay Dir.Dumlao, pakisilip nga po kung totoo ba ang sumbong na nakarating sa amin na may mayamang taga Malinta sa Valenzuela City ang miyembro din ng 4Ps.

Malaki umano ang bahay nito sa Bukid Street bukod pa sa may negosyo itong pautang o 5-6, kaya paanong nasama sa listahan ng 4Ps gayung para lang ito sa poorest of the poor?

Teka, di ba ipinagbawal na ni Pangulong Digong ang negosyong 5-6? Talagang hinahamon ang Palasyo.
Ayon sa mga bubuyog ko, staff umano ng barangay itong mayamang miyembro ng 4Ps na posibleng makasira sa magandang serbisyo ng kapitan ng barangay.

Aba’y kailangan din sigurong makaabot sa kaalaman ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño at kay DSWD Director Dumlao ang kabulastugang iyan ng staff ng barangay.

Hay Naku!!! Masyado na ngang nakakabahala ang kinakaharap na krisis ng bansa dahil sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 ay mayroon pang mga ganitong klase ng mga tao.

Bakit di kayo makatulad kay Manila Police District – Station 3 commander P/ LtCol. Reynaldo Magdaluyo na dahil sa sobrang respeto sa direktiba ni  Pangulong Duterte na kailangan wala nang pagala-gala sa lansangang mga kabataan dahil sa umiiral na curfew  upang makaiwas na mahawahan ng nakakamatay na sakit na  virus kung kaya halos araw araw na gumagala sa kanyang nasasakupan para lamang maipatupad ang kahalagahan ng kapakanan ng nakakarami at makatulong upang di na kumalat pa ang COVID-19. Ang masaklap, siya ang naireklamo.

Gayunman, nasa iyo ang suporta ng marami Col. Magdaluyo. Tama lang na pinalo mo ng yantok ang mga pasaway para malaman nila na hindi biro ang kinakaharap na problema ng bansa. BERT MOZO

 

 

87

Related posts

Leave a Comment