MAGSAGAWA NG PAGSISIYASAT SA CHILD ONLINE SEXUAL EXPLOITATION

ANG inyong lingkod ay nagsampa ng isang resolusyon para magsagawa ng pagsisiyasat, in aid of legislation, kaugnay sa naiulat na pagtaas ng online sexual exploitation sa mga bata sa panahon ng Covid-19 enhanced community quarantine.

Inihain natin kamakailan ang House Resolution No.999 sa gitna ng ulat ng Department of Justice Office of Cybercrime nasa 279,166 ang mga kaso ng online sexual exploitation sa mga bata na naitala mula noong Marso 1 hanggang Mayo 24.

Ito ay katumbas ng 265.63% na pagtaas mula sa parehong panahon noong 2019, kung saan 76,561 na kaso ang naitala.

Nakakalungkot isipin na kahirapan ang isa sa ugat ng online sexual exploitation of children sa Pilipinas. Ito ang lumabas sa mga ginawang pag-aaral kung bakit mataas ang sexual exploitation of children sa mga mahihirap na lugar sa Maynila at sa mga probinsya.

Ilan sa pangunahing dahilan nito ay kawalan ng hanapbuhay, at mga oportunidad na makapagtrabaho na nagiging dahilan kung bakit nasasangkot ang mga kaanak o mismong mga magulang ng mga bata sa pagbebenta sa kanilang mga anak sa online sex.

Ang datos na ginagamit ng DOJ-OOC ay mula sa US-based National Center for Missing and Exploited Children. Lubos tayong nababahala sa mga datos na ito. Kawawa po ang mga bata. Ito ay isang kagyat na isyu na kailangan nating tugunan.

Nanghihinayang tayo na ang mga tagapagbigay ng serbisyo sa internet ay hindi nagawang hadlangan ang paglaganap ng online na pagsasamantala dahil sa kawalan ng kakayahang mag-install ng teknolohiya na maaaring hadlangan ang pag-access at pagpapakalat ng pornograpiya ng bata.

Naging hadlang din ang ECQ sa pag-detect ng mga kaso ng pagsasamantala sa bata dahil nakakulong ang mga biktima sa kanilang mga bahay at hindi nila nakikita ang mga maaaring mapagsumbungan kagaya ng mga guro.

Nakikita natin na mayroong pangangailangan para sa gobyerno na magpatupad ng malawakang crack down laban sa sexual trafficking sa mga bata.

Umaasa akong pagtutuunan ng agarang atensyon ang isyu na ito hindi lang ng Kongreso, kundi ng buong pamahalaan. Nakakapanlumo ang ganitong mga pangyayari. Dapat nating protektahan ang ating mga anak.

FORWARD NOW Ni REP FIDEL NOGRALES

Related posts

Leave a Comment