KORAPSYON SA PINAS MALA-STAGE 2 CANCER NA

PURSIGIDO si Pangulong ­Rodrigo Duterte na matuldukan ang korapsyon sa gobyerno bago pa man siya bumaba sa pwesto sa June 30, 2022.

Isa sa ipinangako ni Pangulong Duterte ay ang pagsugpo sa korapsyon sa mga tanggapan ng pamahalaan.

Lalo pa siyang nagalit nang pumutok ang katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na hindi lang milyong pisong korapsyon kundi umabot pa sa bilyong piso.

Matagal na ang katiwalian sa PhilHealth, pero lalo itong sumingaw at nabigyan ng pansin nitong pagdating ng Covid-19 pandemic.

Sa pagtaya, aabutin na raw ng 100 bilyong piso ang nawawala sa pondo ng PhilHealth dahil sa ­korapsyon.

Kamakailan lang ay sumingaw din ang katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na kinasasangkutan daw ng mga opisyal nito.

Si Pangulong Duterte ay matagal na naging Mayor sa Davao City. Posibleng nakita niya kung paano ang kalakaran at pagdaloy ng korapsyon mula sa ibaba hanggang sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.

Malamang nakita rin niya ngayong siya na ang Pangulo na kung wala sanang korapsyon sa pamahalaan ay malaking tsansa ang pag-unlad ng bansa.

Sa halos apat na taon (4) pa lang nyang panunungkulan, bagamat hinagupit pa ng pandemya ng Covid-19 ang bansa ay marami siyang nagawang mga proyekto.

Lalo pa siguro kung hindi ­naging pabaya ang mga nakaraang administrasyon na ang nangyari ay kurakot dito at kurakot dun.

Ika nga kung ‘may naitabi, may mabubunot pagdating ng pangangailangan’.

Kaya nitong pagdating ng pandemya, dito natin naramdam na wala tayong pera na mabubunot dahil walang naitabi ang mga nakaraang administrasyon.

Bagama’t si Pangulong Duterte na ang nakaupo ay hindi pa rin tumigil ang mga tiwaling opisyal, kanya-kanya pa rin silang diskarte kung papaano silang magkakamal ng pera.

Isama pa natin ang ilang o­pisyal ng Bureau Immigration sa NAIA na mga miyembro ng tinatawag na “Pastillas Gang”.

Ang grupong ito ang dahilan kung bakit nagkalat ang alien sa Pilipinas, ito ang mga tsekwang nakapasok sa bansa na hindi dokumentado at dumaan sa mga palad ng “Pastillas Gang”.

Ang grupong ito ay kinasuhan ng katiwalian sa Office of the Ombudsman.

Hindi lingid sa kaalaman natin na pagkatapos ng administrasyon ni dating Ferdinand Marcos ay unti-unti nang lumubog ang bansa.

Kahit na sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay napag-iwanan tayo ng iba pang bansa sa Asya.

Sa pananaw ng PUNA, ang korapsyon sa gobyerno ay nasa stage 2 cancer na. Salot ito sa pag-unlad ng bansa at dapat bitayin na ang mga nasasangkot sa korapsyon.

May pagasa pang gumaling at mawala ang mala-cancer na korapsyon kung ang taumbayan ay makikiisa sa pagsugpo nito.

Hiniling na ni Pangulong Duterte ang tulong ng Department of Justice (DOJ) na bumuo ng ‘mega task force’ na maghahabol sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno.

At sana magampanan ito ng maayos ni DOJ Sec. Menardo Guevarra. Baka mamaya tapos na ang administrasyon ni Pangulong Duterte ay wala pang napaparusahan sa mga nasasangkot na opisyal ng gobyerno.

At dapat hindi mamili ang ‘mega task force’ kahit sino pa ang kanilang masagasaan kung talagang ‘honest to goodness’ ang kanilang kampanya laban sa korapsyon.

Kailangan pa talagang gumawa ng task force ang Pangulong Duterte para lang lumaban sa mga tiwali.

Abangan natin ang magiging hakbang ng mega task force na bubuin ng DOJ.

oOo

Para sa suhestiyon at reklamo mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

58

Related posts

Leave a Comment