LABANAN ANG VACCINE HESITANCY AT MGA ANTI-VACCINATION INFO

ISANG taon magmula nang simulan ng pamahalaan ang programa nito sa pagbabakuna ay ganap na nating nasaksihan ang benepisyo nito nang makita natin ang pagbaba ng arawang kaso, ilang buwan bago matapos ang taong 2021.

Sa kasalukuyan, nasa 122 milyong dosage na ng bakuna ang naipamahagi ng pamahalaan samantalang ang bilang ng nakatanggap na ng full vaccination ay nasa 56.8 milyon o 52 porsyento na ng ating populasyon.

Isa itong maituturing na welcome development sapagkat sa patuloy na kampanya ng pamahalaan at ng pribadong sektor sa pagbabakuna ay mas dumarami na ang mga Pilipino na nagiging kampante sa bakuna laban sa COVID-19.

Base sa isang pag-aaral ng Social Weather Station, isang taon mula nang ilunsad ng pamahalaan ang programa sa pagbabakuna, nakitang bumaba na sa walong porsyento na lamang mula 33 porsyento ang mga bilang ng “anti-vaxxer” dahil na rin sa patuloy na pagtutulungan ng mga organisasyon sa pamimigay ng mga insentibo para sa mga bakunado na.

Ayon sa survey, ang nag-udyok sa mga noo’y nagdadalawang isip ay ang kanilang takot na mahawaan pati na rin ang maaaring panganib na dala nito sa kanilang buhay.

Samantala, bumaba na rin sa anim na porsyento ang bilang ng mga tao na hanggang ngayon ay nagdadalawang isip pa ring tumanggap ng bakuna.

Kung ating titingnan, marahil ay isang malaking balita ang patuloy na pagbaba ng bilang ng mga vaccine-hesitant ngunit napakalaki pa ring bilang ito ng ating populasyon.

Kaya naman, kinakailangan pa rin ng pamahalaan na gumawa ng mas marami pang paraan upang malabanan ang vaccine hesitancy, lalung-lalo na ang mga ikinakalat na impormasyon ng mga anti-vaxxer upang patuloy na pigilan ang mga hindi pa bakunado.

Kaya naman aking inuulit, at patuloy ko pang uulitin, ang pagbaba ng kalubhaan ng kaso ng COVID-19 sa kasalukuyan ay ipagpasalamat natin sa mga bakuna.

Maaaring hindi tayo magiging COVID-free sa oras na tinanggap natin ang ating mga bakuna, ngunit mas pinaliliit nito ang porsyento ng panganib sa ating buhay. Ika nga, mas mabuti nang maging “ilang porsyentong protektado” kaysa naman mailagay ang ating buhay sa panganib.

Huwag na natin hintayin pang may mangyaring masama sa atin o sa ating mga minamahal sa buhay. Kung hindi tayo magpapabakuna, mas lalo nating ine-expose ang ating mga mahal sa buhay sa panganib.

Bukod dito, ang pagpapabakuna natin ay atin na ring ambag sa pagbangon ng ating bansa mula sa pandemya pati na rin para sa ating ekonomiya. At kung malago ang ating ekonomiya, mas malago rin ang ating pamumuhay.

Huwag nating ipagkait sa bawat isa na mamuhay nang normal. Karapatan nating lahat ang mas maayos, at mas maunlad na pamumuhay.

Related posts

Leave a Comment