LABIS-LABIS ang aking kasiyahan at pasasalamat sa mga opisyales ng ating pamahalaan sa pagbibigay pansin sa aking inilathalang kaso ng dalawang sawimpalad na OFW sa Riyadh, Saudi Arabia.
Una rito ay si Jasmine Remetrio na ilang araw matapos na makapagsumbong at humingi ng saklolo ay ini-report na namatay dahil sa pagkakahulog sa building.
Nailibing na ang kanyang bangkay sa Cagayan De Oro nitong nakaraang Agosto 23,2020. Ang pamilya Remerio ay humihingi ng hustisya upang masusing imbestigahan ang dahilan ng pagkamatay ni Jasmine dahil hinala nila na may “foul play” na naganap. Gayundin, sila ay nanawagan sa ahensya na matulungan sila sa kanilang kinakaharap na suliraning pinansiyal.
Nakatanggap ako ng kopya ng sulat mula kay Atty. Eric D. Dollete, hepe ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Legal Assistance Department na kung saan ay kanyang ipinag-uutos kay Rosalyn T. Ompoc ng Skyhigh Manpower Recruitment Intl. na magpaliwanag sa ginawa nitong aksyon ukol sa sitwasyon ni Jasmine C. Remetrio.
Samantala, nasa kustodiya na ng Philippine Embassy sa Riyadh Saudi Arabia si OFW Angel na aking inilathala na ni-rape at inabandona sa tabi ng basurahan. Ibinalita sa akin ng masipag at aking nirerespetong si Ambassador Adnan Alonto ang kanilang pagsaklolo kay OFW Angel mula sa kanyang ahensya.
Matapos kasi na matagpuan na namamalimos si OFW Angel, ay may nagmagandang loob na dalhin siya sa kanyang ahensya sa Riyadh. Ngunit ayon sa kanyang sumbong ay pinagsabihan siya ng tauhan ng kanyang ahensya na kapag may magtatanong sa kanya mula sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) ay dapat sabihin nito na siya ay naglayas mula sa kanyang amo kung kaya siya ay napahamak samantala ang katotohanan ay inabandona siya ng kanyang employer sa lugar na hindi nya nalalaman.
Samantala, humihingi ng tulong para sa kanyang constituent ang aking kaibigan na si Vice Mayor Glenn Chio Hatulan ng Municipality of Tupi, South Cotabato. Ayon sa kanyang mensahe sa akin, ang kanyang tinutukoy ay si OFW Atyt Ocasiza na kasalukuyang nasa Riyadh Saudi Arabia. Diumano ay matagal na itong nag-report sa POLO – Riyadh ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nabibigyan ng pansin.
Si OFW Atyt Ocariza ay nakarating sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng kanyang ahensya na EJM GLOBAL MANPOWER. Diumano ay tuluyan na siyang pinabayaan at hindi inaasikaso ng kanyang ahensya matapos na isumbong nito na siya ay ibinenta ng kanyang amo sa ibang employer. Wala rin umanong aksyon na ginagawa ang kanyang Saudi Recruitment Agency na ABDUL WAHED RECRUITMENT OFFICE.
Maraming beses na rin siya nagreklamo ukol sa hindi pagpapasweldo ng kanyang employer na umaabot na sa limang (5) buwan. Kung tutuuisin ay lagpas na sya ng 4 na buwan sa kanyang 2 taon na kontrata ngunit ayaw pa rin siya pauwiin ng kanyang employer.
Ako ay nanawagan kay Labor Attache Nasser Mustafa na kung maari ay kanyang bigyan pansin ang reklamong ito ni OFW Atyt Ocasiza na matagal ng ipinarating sa kanyang opisina.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256.
61