MABUHAY KA, WESLEY SO – PILIPINO!

0

KAMAKAILAN lamang, si Wesley So, Pilipinong chess Grandmaster, ay ginawaran ng citizenship ng Estados Unidos. Ang itinuturing na mahiko sa larong hindi lamang ­gumagamit ng lakas na pisikal kundi bilis ng utak ay mahigit kalahating dekadang nanahan sa lupain ng asukal at pulot-gata matapos na siya’y maging biktima ng politikang matagal nang humihimay sa hibla ng sport dito sa bansa.

Makaraan kasing maibulsa ang kauna-unahang gintong medalya ng bansa sa 2012 Summer Universiade na ginanap sa Kazan, Russia kung saan nilampaso niya si local boy Zaven Andriasian, ang noo’y 26-anyos na si So ay pinagkaitan ng pinansiyal at material na insentibo, kabilang ang P1milyon mula sa Athletes and Coaches Incentives Law na ang principal author ay si dating basketball great at Senador Robert “Sonny” Jaworski.

Paanong nangyari ito ay wala pang makapagbigay ng kaliwanagan hanggang sa panahong ito, maliban sa pagtuturuan ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at National Chess Federation, na sa palagay ng kolumnistang ito ay pare-parehong dapat sisihin.

Kaya sa ayaw at sa gusto ni So, siya ay napabilang sa listahan ng mga Pilipinong bayani sa sports na matapos makapagbigay ng karangalan sa sariling bansa ay naitulak sa kawalan o basurahan dahil sa kapabayaan ng mga taong naatasang siyang mamuno para alagaan ang kanilang kapakanan.

To cut the story short, wika nga ng mga Kano, nagpa-ampon ang Filipino Grandmaster sa U.S. Chess Federation, na siyang namahala sa kanyang pandaigdigang kampanya hanggang sa maabot niya ang pagiging pangalawang pinakamagaling na manlalaro ng chess sa mundo.

Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy na ipinakita ng tubong Cavite na si So na siya ay Pilipino pa rin. Sa katatapos na First Conference ng Professional Chess Association of the Philippines (PCAP), inalok ni So ang asosasyon na katatatag lang noong nakaraang taon na isponsoran ang Second Conference, na malugod namang tinanggap ng grupo.

Pinangalanan pa nga ang Second Conference na “Wesley So Cup” bilang pagkilala sa nagawa ng Super GM sa Philippine chess. Pilipino pa si So nang magawaran ng titulong GM at Super GM.

Ayon kay Michael Angelo Chua, chair ng PCAP, ang ­Second Conference ay nakatakdang simulan sa ikalawang linggo ng Mayo at tatagal ng dalawa at kalahating buwan. Ang mga detalye sa torneo ay pagpapasiyahan sa darating na All-Star Game na gaganapin bago ang Second Conference at magkakaroon ng pormat na Reinforced, ibig sabihin ang mga koponang kalahok ay puwedeng magkaroon ng dayuhang manlalaro.

Ayon sa napagkasunduan, may nakatayang P350,000 sa Wesley So Cup. Ang mananalo ay makapag-uuwi ng P150,000 habang ang matitira ay hahatiin bilang consolation prizes. Ang San Miguel Corporation ang tatayong co-sponsor ni So.

Ang PCAP commissioner na si Paul Elauria ay patuloy na nakikipag-ugnayan kay So tungkol sa iba pang detalye ng ­Conference, ayon kay Chua.

“The offer of GM So to be the main sponsor of our coming ­Second Conference only shows that he will continue ­supporting Filipino players despite his ­coming and playing for the ­United States,” anang PCAP chief.

Ang All-Star Game ay bubuin ng koponan mula ­Northern Division sa pangunguna ng tinanghal na kampeong Laguna Heroes at runner up Camarines Roaring Eagles ng Southern Division.

Ayon kay Chua, ang All-Star team selection ay base sa boto ng fans na ilulunsad ng grupo sa susunod na linggo kasama ang boto ng mga manlalaro.

Samantala, ang pangatlong paligsahan ng taon na ­tatawaging Open Conference ay nakatakdang idaos bago matapos ang 2021 kung kailan tatangkain ng PCAP na mag-imbita ng mga dayuhang koponan.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment