MAG-INGAT PARA MAIWASAN ANG PROSESO SA PAGPAPAUWI NG BANGKAY

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

UNTI-unti nang bumabalik sa normal ang buhay ng mga OFW ng ilang bansa sa Gitnang Silangan. Kabilang rito ang bansang Kuwait at Saudi Arabia na kung saan ay muling binuksan ang mga lugar na isinailalim sa total lockdown.

Nagbukas na rin muli ang mga malls at maging ang transportasyon. Damang-dama ang kaligayahan ng mga OFW sa tila bagong kalayaan na kanilang nararanasan. Ngunit dapat alalahanin ng ating mga kabayani na bagaman hinahayaan ng ilang bansa ang makapamasyal o makipaghalubilo, ay dapat pa rin na maging maingat at pangalagaan ang kalusugan.

Ang pagbubukas ng komersiyo o mga negosyo katulad ng mga malls ay hindi naman nangangahulugan na tuluyan ng napuksa ang Covid-19. Bagkus, ito ay bahagi lang ng hakbang ng bawat bansa upang hindi tuluyang bumagsak ang kanilang ekonomiya.

Hindi maaring magkumpiyansa ang mga kabayani, dahil anumang pagkakataon ay maari pa rin dapuan ng Covid-19 virus at maging dahilan ng kamatayan.

Huwag sanang dumating ang pagkakataon na mapabilang sa humahabang listahan ng mga pamilya na humingi ng tulong para sa pag-papauwi ng kanilang namatay na mahal sa buhay.

Gayunpaman, narito ang proseso na dapat malaman ng mga pamilya ng namatayan. Ang Department of Foreign Affairs (DFA)-Office of Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) ang siyang pangunahing ahensya na dapat lapitan para sa pagpapauwi ng bangkay.

Unang dapat gawin ng pinakamalapit na kamag-anak (Next of Kin-NOK) o kinatawan nito ay magtungo sa pinakamalapit sa opisina ng DFA. Kailangan magsumite ng pirmadong Letter of

Acceptance (LOA) para mapauwi sa Pilipinas at para sa pagtanggap ng bangkay.

Kung ang pamilya naman ay nagdesisyon na hayaan ilibing sa ibang bansa ang kanilang mahal sa buhay, ay dapat na pumirma rin ito ng Affidavit of Consent.

Matapos na maibigay ito sa opisina ng DFA, ang employer naman ng nasawi ay dapat na magsumite sa embahada ng Pilipinas ng Death Certificate, Medical Report, Police report kung kinakailangan at kopya ng passport at listahan ng mga naiwang kagamitan ng namatay.

Matapos na maisumite ang mga kinakailangang dokumento, ay ipapadala naman ito ng embahada sa Police Station upang makakuha ng Exit visa. Sa oras na makuha ang exit visa ay dapat na makipag-ugnayan ang employer sa airline company or cargo office upang mapauwi na ang bangkay.

Ang employer ang siyang dapat mag-asikaso ng permit mula sa Ministry of Health para makakuha ng permiso na mailabas ang bangkay mula sa morge.

Sa pagdating naman sa PIlipinas , ang DFA at Overseas Workers Welfare Administration ay makikipag-ugnayan sa pamilya para sa pagtanggap ng bangkay. Kung ang sanhi ng kamatayan ay dahil

sa Covid-19, ito ay agad na dadalhin sa crematorium upang sunugin at ang abo ang siyang ibibigay sa pamilya.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256.

164

Related posts

Leave a Comment