MAGAGANDANG PROYEKTO SA LUNGSOD NG MAYNILA

OKAY O OKRAY

OKAY ang mga ginagawang suporta ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga Manileño lalo na sa mga mahihirap na mamamayan nito bagaman may mangilan-ngilan na hindi masaya sa kanyang ginagawa at iniisip na anti-poor ang mga ­proyekto ng alkalde. ­Subalit para sa mga totoong Manileño at nagmamahal kay Mayor Isko Moreno, totoong tao ang opisyal na kanilang iniluklok sa pwesto na ang iniisip ay para sa kapakanan ng mga mahihirap na mamamayan.

Isa sa mga Okay na okay na proyekto ni Mayor Isko ay ang pagpapaganda at pagsasaayos ng Andres Bonifacio Shrine na ­naging pasyalan ng maraming mamamayan maging taga-labas man ng Maynila dahil para na itong parke bukod pa sa mayroong libreng wi-fi.

Maging ang ginawang pagpapaganda at pagpapailaw sa Jones Bridge ay super Okay na talaga namang hinangaan ng marami hindi lang ng mga taga-Maynila subalit maging ng mga taga ibang lugar at dayuhan na kapag nagtungo sa Maynila ay hindi puwedeng hindi magpapakuha ng larawan sa nasabing tulay.

Pinaka Okay ay ang pagbubukas ng pinakabagong atraksyon sa lungsod na walang iba kung hindi ang “dancing fountain” sa Andres Bonifacio Shrine na pinasinayaan kamakalawa ng gabi upang maisabay sa pagdiriwang ng mga Filipino sa “araw ng mga puso” ngayong Biyernes na naglalayon na maging pasyalan na walang babayaran. Tama nga naman si Mayor Moreno na hindi kailangang gumastos ng malaki ang magsing-irog dahil puwedeng gawing pasyalan o “dating place” ang lugar.

Samantala, okray kapag hindi ito pinagyaman ng mga Manileño at dapat ay nabantayan ng ilan sa mga nangangalaga nito na ­pinasusuweldo ng Manila City Hall. Hindi dapat maging burara ang mga magtutungo sa lugar na magtatapon ng basura kung saan-saan.

Okray na okray kapag hindi pinahalagahan ng mga magtutungo sa lugar at sa halip ay gagawin nilang lugar kung saan puwedeng pasyalan ng kanilang mga alagang aso na puwedeng umihi at dumumi kung saan-saan.

Pinaka-okray ay kapag binanatan pa si Mayor Isko Moreno sa lahat ng kanyang ginagawang pagsasaayos ng Maynila at ­pagsasakripisyo para sa ikagaganda ng lugar at ikatatagumpay ng nasabing lungsod. LEA BOTONES

Related posts

Leave a Comment