MAKABAGO AT DAGDAG NA PLANTA NG KURYENTE, KAILANGANG NA!

SA GANANG AKIN

Kakapasok pa lang ng buwan ng Marso at wala pang opisyal na pag-anunsyo sa pagsisimula ng panahon ng tag-init, pero mukhang marami nang pinagpapawisan dahil sa pangangamba kung ano bang magiging estado ng suplay ng kuryente sa mga susunod na buwan. Ito ay dahil sa nagdaang linggo ay tatlong beses na nailagay sa yellow alert status ang Luzon grid.

Inanunsyo ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang yellow alert noong nakaraang Martes, Huwebes, at Biyernes dahil ang reserbang enerhiya na maibibigay ng mga planta ng kuryente ay mas mababa sa dapat na lebel nito. May ilan kasing mga planta na biglaang nagsara at may ilan namang mga planta na mas mababa sa normal na lebel ang kanilang maipro-produce na kuryente.

Sana naman ay hindi maulit ang nangyari noong taong 2013 kung saan may pagkakataon na sabay-sabay na bumagsak o nagsara ang mga base load plants noon kaya napilitang magpatakbo ng mga planta na mahal ang magiging output ng kuryente, kaya pumalo ang presyo ng kuryente ng mga panahong iyon.

May pag-aaral na ginawa ang Department of Energy (DOE) kung saan kanilang nabanggit na kailangan ng karagdagang 600MW na supply ng kuryente bawat taon ang ating bansa, ngunit matagal na ata akong hindi nakakarinig na may bagong plantang naitayo, at ang nagsusuplay pa rin ng kuryente sa atin ay ang mga lumang planta pa natin.

Nasa mga 33% ng planta natin ay nasa edad 20 o mahigit nang tumatakbo, samantalang may mga 60% naman na nasa edad 15 taon nang tumatakbo. Kung ihahalintulad natin sa normal na makinarya o sasakyan ito, habang tumatanda ang isang gamit, eh napapadalas o napapadami ang lumalabas na problema nito, dahilan sa kailangan silang pagpahingahin o ‘di kaya ay kumpunihin.

May mga pagkakataon na nagkakasabay-sabay ang pagkukumpuni ng mga plantang ito sa parehong planado at ‘di planadong pagkakataon, kaya nagdudulot ito ng pagbaba ng suplay ng kuryente, at sa pagpapataw ng yellow alert. Kung maitataon pa ito sa panahon ng tag-init eh talagang kukulangin talaga ang suplay ng kuryente dahil alam naman nating mas malakas tayong gumamit ng kuryente sa mga panahon ng tag-init.

Hindi naman ibig sabihin nito eh mawawalan na tayo ng kuryente o magkakaroon ng brownout. Bagkus, ang ibig sabihin nito ay mapipilitan nga lang na kumuha ng kuryente mula sa mga planta na mahal ang pagpapatakbo, kaya mahal din ang magiging presyuhan ng kuryente. Ang isa ring maaaring mangyari ay ang pagbili ng karagdagang kuryente mula sa spot market na siya rin namang mas mataas ang presyuhan.

Ang problema sa kakulangan ng suplay ng kuryente ay hindi lang naman nagdudulot ng pangamba sa maaaring pagkawala ng kuryente. Ang maapektuhan din dito siyempre ay ang presyuhan ng mga iba’t ibang bilihin o ‘di kaya mga serbisyo. Biruin mo, madaragdagan na nga ang binabayaran mo sa nakonsumo mong kuryente eh tataas din ang mga presyo ng bilihin dahil ang iba’t ibang kumpanya na gumawa nitong mga produktong ito ay kailangan din namang bawiin ang naitaas sa singil sa kanila sa pag-manufacture ng mga produkto nila. Kumbaga nga eh domino effect ito.

Sa isang angulo pa nga, hindi lang naman presyuhan ng kuryente at mga bilihin ang maapektuhan kung lagi nalang tayong kinukulang sa suplay ng kuryente. Pati ang kinabukasan ng ating bansa ay maapektuhan nito. Hindi magiging kanais-nais sa mata ng mga malalaking negosyante kung hindi natin maisasayos o maisisiguro ang sapat at tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa ating bansa. Baka hindi rin natin tuluy-tuloy na mapatakbo ang mga bagong itinatayong tren ng ating gobyerno kung hindi ito mabibigyan ng sapat na suplay ng kuryente.

Kaya kung ating iisipin at titignang mabuti ay isa lang ang malinaw at siguradong solusyon para ‘di na tayo mamrublema sa suplay ng kuryente, at ito ang pagtayo ng mga bagong planta na alam nating aandar nang mas episyente.

Marahil ay napapanahon na rin upang magtayo pa lalo ng mga planta na gumagamit ng renewable energy katulad ng solar at wind. Nasabi ko na napapanahon na dahil ang presyo ng pagtayo ng solar plants ay malaki na ang ibinaba kumpara nung nakaraang mga taon, kailangan lang nating makahanap ng mga magaganda at maayos na lugar kung saan maaaring itayo ang mga ito. Sa pamamagitan ng mga plantang ito, ay nakatulong na tayong maiangat o madagdagan ang suplay ng ating kuryente, nakatulong pa tayo sa kalikasan.

Sana naman ay magtuluy-tuloy na ang pagtayo ng mga karagdagang planta upang masiguro naman na maging maalwan ang buhay nating lahat, hindi lang sa darating na panahon ng tag-init pero hangang sa mga susunod na taon pa. Hindi naman kanais-nais na sa tuwing darating ang panahon ng tag-init eh lagi na lang tayong nangangamba sa hindi sapat na suplay ng kuryente. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment