MALAS PA RIN ANG NUMERO 13 KAY ERAP

SIDEBAR

Ika-13 na pangulo ng Republika si President Joseph Ejercito “Erap” Estrada at sinasabing malas ang numero 13 sa kanya kung kaya siya ang kauna-unahang pangulo na na-impeach ng Mababang Kapulungan noong taong 2000.

Hindi natapos ang kanyang impeachment trial dahil sa gitna ng napipintong acquittal ni Pangulong Erap ay naganap ang EDSA 2 na siyang nagpabagsak sa kanyang administrasyon at pinalitan ng gobyerno ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo.

Nitong nakaraang Mayo 13 ay muling minalas si President-Mayor Erap dahil base sa resulta ng bilangan ng boto sa Maynila ay malaki ang lamang sa kanya ng dating kaalyado at Vice Mayor Isko Moreno at kulang na lang ang proklamasyon ng Commission on Elections sa bagong alkalde ng Maynila.

Hindi nakakagulat ang pagkatalo ni President-Ma­yor Erap kay Isko Moreno dahil nakita naman ito sa resulta ng mga survey ng polling firms na may kredibilidad at track record.

Nang hindi makuha ni Erap ang endorsement ng maimpluwensyang Iglesia ni Cristo, marami ang nagsabing tapos na ang eleksyon dahil batid ng kampo ni Estrada na INC lang ang nagpanalo sa kanya sa Maynila kung saan lumamang siya kay Alfredo Lim ng 30,000 votes noong 2013 at 3,000 na lamang noong 2016.

Kahit nga hindi pa nagsisimula ang kampanya ay nararamdaman ng mga Manilenyo ang mga batayang problema ng lungsod gaya ng tambak na basura nitong mga nakaraang buwan bago ang simula ng kampanya.

Mismong ang tapat ng aming bahay sa 4th District (Sampaloc) ay naging tambakan ng mga basura dahil hindi dumarating ang mga garbage truck para kunin ang mga basura ng residente na dati-rati ay tatlong beses sa isang linggo.

Hindi rin nasolusyunan ng anim na taong administrasyon ni Erap ang mga nakabalagbag na mga jeepney at sasakyan sa mga gilid ng kalsada kung kaya nagkakaroon palagi ng pagsisikip sa daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ng Maynila.

Sa pagkakaalam ko, nagrereklamo rin ang mga senior citizen dahil kailangan pa nilang pumila at pumirma para kunin ang kanilang financial subsidy sa City Hall gayung puwede namang bahay-bahayin na lang ang mga senior citizen na hirap nang lumakad.

Isa sa pinagmamalaki ng administrasyon ni Erap ay libreng panganganak at libreng palibing sa lahat ng mga lehitimong residente ng Maynila. “From womb to tomb” ang tawag niya sa naturang programa na kanya ring ginawa noong mayor pa siya ng San Juan.

Nakakapagtaka lang kung bakit walang statistics na inilabas dito ang City Hall para maipakita kung ilan ang bilang ng mga nanay sa Maynila na naging libre ang panganganak at kung ilang patay ang nabigyan ng libreng libing.

Kung naging konsistent lang sana ang nasimulang magandang palakad sa Maynila, mahirap sanang tibagin si Erap lalo pa’t third termer na siya. Ibig sabihin lang ay hindi nasiyahan ang mga Manilenyo kabilang na ang mga may puwesto sa palengke na nagrereklamo sa mas mataas na renta dahil sa modernisasyon ng mga palengke.

Kaya marahil pati ang anak ni Erap kay Laarni Enriquez na si Jerika ay hindi rin pinalad na manalo bilang konsehal sa 4th District (Sampaloc) dahil nga marami ang hindi na nasisiyahan sa palakad ni Mayor Erap.

Maliban sa pagiging malas ng numero 13 kay Erap, naniniwala ang kolumnistang ito na naglaho na rin ang “Erap Magic” na siyang dahilan kung bakit pati ang mga Estradang kandidato sa iba’t ibang posisyon ay minalas na rin sa kanilang pagtakbo sa eleksyon ng Mayo 13. Nakakalungkot. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment