MALASAKIT NG GOBYERNO DAPAT IPARAMDAM SA VAWC VICTIMS

ANG mga kaso ng karahasan laban sa mga kababaihan at mga bata ay patuloy na tumataas sa bansa sa gitna ng patuloy na pagpapairal ng quarantine.

Kaya nais nating hikayatin ang gobyerno na maging mas visible at iparamdam naman ang malasakit para sa mga biktima.

Ayon sa ulat, ang mga kaso ng VAWC sa bansa ay tumaas sa 4,260 noong nakaraang Hunyo 11 mula sa 3,699 na naitala na mga kaso noong Hunyo 4.

Nauunawaan natin na unti-unti nang nasasaid ang ating mga pondo, ngunit ang gobyerno ay may isang sagradong tungkulin para protektahan ang mga mamamayan nito.

Ang pagsisikap ng bansa na labanan ang pagkalat ng coronavirus ay nangangahulugan na ang mga sentro ng panga­ngalagang pangkalusugan ay bahagya nang manipis o nagkukulang ang mga nagpapatupad ng batas at pinagsama pa sa mga paghihigpit sa paggalaw, kaya humahantong sa mga pagkaantala sa pagtugon sa mga biktima.

Nais lang nating ­ipaalala ang panawagan ng United Nations ­Development Programme para sa mga pamahalaan na isama ang proteksyon ng mga kababaihan at mga bata laban sa karahasan sa mga plano at budget ng COVID-19.

Iminungkahi rin ng UNDP sa mga gobyerno at mga non-government organizations na bumuo ng isang gabay na ibabahagi sa social media kung paano maiuulat ng mga biktima ang mga kaso ng karahasan at pag-access sa mga serbisyo sa gitna ng pandemya.

Maganda ring tularan ang ginawa ng ibang bansa na nakipag-ugnayan sa mga telecommunication companies para magtayo ng toll-free hotlines para sa mga biktima ng karahasan sa mga kababaihan at mga bata.

Ang ating tanggapan ay makikipag-ugnayan sa iba’t-ibang legal aid ­volunteer groups na tutulong sa pagbuo ng mga mekanismo para sa suporta ng biktima, kabilang ang tulong sa pamamagitan at paglilitis.

Napakahirap ng dinaranas ng mga VAWC victims natin sa panahon ng pandemya. Dahil na rin sa quarantine, na­daragdagan ang hamon nila na takasan ang banta ng karahasan.

Ang pamahalaan ay dapat na magpakita ng pakikiramay sa pagkakataong ito. Ipakita natin na handa tayong tumugon sa mga biktima. Mayroon tayong mga enforcers sa kalye, kailangan lamang na muling i-calibrate ang mga ito nang malaman nila ang tamang response sa mga ganitong kaso.

Related posts

Leave a Comment