MALI SI ROQUE SA ‘MASS TESTING’

Badilla Ngayon

MALINAW ang idiniin ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Harry Roque Jr. na walang ‘mass testing’ na ilulunsad ang pamahalaan para malaman at matukoy sinu-sino na ang mayroong coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ipinunto at iginiit ni Roque na mali ang konsepto o salitang mass testing.

Aniya, imposible naman ang mass testing dahil wala namang bansa na kayang suriin at alamin kung ang buong mamamayan nito ay mayroong COVID-19 o wala.

Kahit ang China ay milyun-milyong mamamayan nito ang kaya tulad nang ginawa sa Wuhan City, ngunit hindi ang buong populasyon ng China dahil bilyun-bilyon ito, banggit ni Roque.

Ganito ang sabi ni Roque: “Wala pong bansa sa buong mundo na tine-test ang lahat ng kanilang mamamayan. Kaya nga po mali ang terminong mass testing,” na naglabasan sa mga pahayagan, telebisyon, radyo at online news platform.

Kaya, ibig sabihin, hindi isasailalim sa mass testing ang 110 milyong Filipino.

Ito ang galit na galit na paliwanag ni Roque sa Malacanang beat reporters habang pinapagalitan ng tagapagsalitang ito ni Duterte si CNN – Philippines Reporter Triciah Terada sa isinagawang Malacanang virtual press briefing nitong Mayo 19.

Ayon kay Roque, ‘expanded targeted testing’ ang planong ilunsad ng pamahalaan.

Pinagsama-sama niya ang tatlong salita upang makabuo ng konseptong expanded targeted testing laban sa mass testing.

Ibig sabihin nito, mayroong lamang espesipikong bilang ng mamamayan ang tudlang susuriin para malaman ang lawak at tindi nang inaabot ngayon ng COVID-19 sa Pilipinas.

Sa pagsasagawa ng test sa COVID-19, aabot lang sa isa o dalawang porsiyento ng kabuuang populasyon ng Pilipinas (110 milyon) ang tudla ng pamahalaan na isailalim sa binanggit ni Roque na expanded targeted testing.

Sa ganito, tingin ng Malakanyang ay malalaman na ang eksaktong bilang ng mga Filipino na tinamaan ng COVID-19.

Ganito ang ginagawa sa ‘survey’ sa mga ibobotong pangulo, pangalawang – pangulo, senador at iba pa kung saan nalalaman ng mga survey firm ang pulso at pananaw ng 110 milyong Filipino hinggil sa mga ihahalal nila sa halalan.

Kung tama ang paliwanag at lohika ni Roque hinggil sa mass testing, mali rin ang mga konseptong “mass wedding,” “mass gathering,” “mass destruction” at iba pa.

Mali ang proyektong mass wedding ng “kyut” na alkalde kung saan mang lupalop ng Pilipinas, sapagkat hindi naman lahat ng residente ng lungsod o bayan ni meyor ay ikakasal sa araw ng mass wedding.

Mali rin ang mass gathering dahil hindi lahat ng mamamayan ay kasama sa gathering tulad sa burol na bawal nitong panahon ng enhanced community quarantine (ECQ) at marami pang iba.

Sandali, sino ba ang nag-imbento ng salitang “mass” na ito na kapag isinama sa ibang salita ay mali?

Ang ibig sabihin ng mass ay “malaking bilang” o “malaking kantidad”.

Ganito, noong 1580 ay binabanggit na ang konseptong malaking bilang sa ibang bahagi ng mundo, ngunit hindi mass ang tawag dito, kundi malaking bilang.

Noong 1687, “isinilang” ang salitang Latino na “massa” mula sa sa pag-aaral ni Isaac Newton tungkol sa ‘law of motion’, ngunit hindi pa rin ipinanganak ang salitang mass.

Nagkaroon ng salitang Ingles na mass noong 1704 hanggang madalas na itong gamitin ng mga tao sa mga sumunod na panahon.

Kung sisipating mabuti, nang maimbento ang massa at mass, hindi ito nangangahulugang ‘literal’ na lahat ng bilang, kundi malaking bilang o malaking kantidad.

Tayong mga Filipino ay gumagamit ng salitang “masa” na ibig sabihin nito ay napakalaking bilang ng pangkaraniwang tao.

Kung aktibista ang tatanungin natin, ang sasabihin niyang masa ay iyong mga pangkaraniwang tao na hindi katulad nina Karl Marx, Frederick Engels, Vladimir Lenin at Mao Tse – Tung mag-isip o mag-analisa ng lipunan, kapaligiran at kasaysayan.

Ngayon, kayo na ang magpasya kung totong mali si Atty. Harry Roque Jr. o hindi tungkol sa mass testing.

Related posts

Leave a Comment