MANDATORY SA FACE SHIELD, BARRIER PINUNA NI SEN. IMEE

PUNA Ni JOEL AMONGO

 

ISANG daan at isang porsyentong (101%) tama ang obserbasyon ni Senator Imee Marcos sa pagpapatupad ng sapilitan (mandatory) sa paggamit ng face shield ng tao at barrier sa single motorcycle.

Sa sinabi ni Madam Imee sa kanyang post sa social media ay maraming sumang-ayon na netizens na hindi tama ang ginagawa ng mga nagsusulong ng sapilitang paggamit ng face shield at barrier sa motorsiklong single.

Narito ang kanyang post, “Dagdag pahirap ito sa ating mga kababayan. Imbes na pambili ng noodles, mapupunta pa sa face shield. Hindi pa ba sapat ang physical distancing at pagsusuot ng face mask? Meron pang barrier. Hindi dapat mandatory, kung sino lang ang may kakayanan na ma­kabili. Sagad na ang mga mahihirap ­nating mga kababayan, bakit hindi na lang ito ipamigay nang libre?”

Yan ang post ni Ma’am Imee sa social media na hanggang ngayon ay umaani ng pangsang-ayon mula sa netizens.

Bagamat marami ang tumututol at napatunayang may panganib na dulot ang paglalagay ng barrier sa single na motorsiklo ay pilit pa ring ipinatutupad ng mga opisyal ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Maging ang samahan ng mga Mechanical Engineers sa Pilipinas ay nagsabi na delikado ang paglalagay ng barrier sa motor pero ito ay hindi pa rin pinansin ng mga nagsusulong nito.

Duda tuloy ng taumbayan na negosyo ang nasa likod nito kaya sarado ang utak ng mga nagsusulong kaya ipinagpilitang nilang sundin ito.

May nagsabi rin na kung hindi nararanasan ng mga opisyal ng IATF na nakamotor sila na may barrier ay hindi dapat nila ipinagpipilitan ito dahil hindi nila nara­ramdaman ang epekto nito.

Tama po si Maam Imee na dagdag pahirap lang ito sa taumbayan na masyado nang bugbog sa gastos ngayong may ­pandemya, wala pang mga trabaho.

Paano na ang buhay ng lahi ni Juan?

Kamakailan nagmodel pa ang isang opisyal ng IATF sa paggamit ng barrier ng motor.

Gawa pa ng kilalang motorcycle taxi ang kanyang iminodel na barrier.

Dati ang pinag-uusapan ang angkas lang ng mag-asawa, ­ngayon ang kanyang sinang-ayunan pang barrier ay gawa pa ng motorcycle taxi.

Tanong tuloy ng mambabasa ng PUNA,” Magkano ang…%….barrier?”

Ang dami tuloy ang bumabatikos sa kanya hanggang ngayon mula sa netizens.

Pero wala pa ring katinag-­tinag ang opisyal na ito, matigas pa rin ang kanyang paninindigan na dapat talagang gumamit ng barrier ang mga nakamotor.

Para iwas daw sa hawahan ng COVID-19 ang mag-asawa.

Kala ko ba sir sa mga mag-asawa ang pinag-uusapan na pag-angkas? Bakit napunta na po kayo sa motorcycle taxi na ANGKAS at kayo pa ang nagmodel?

Malinaw na pumasok na sa negosyo ang usapin ng paglalagay ng barrier sa motor.

Ay naku! Mga bossing, magkaroon po tayo ng delicadeza nakakahiya sa taumbayan ­marami nang nagbuwis ng buhay sa ­ating mga kababayan lalo na sa ­frontliners dahil sa COVID-19.

Dapat po makagawa tayo ng ikabubuti sa ating kapwa kesa mag-isip tayo ng kung anu-ano.

Hindi rin naniniwala ang mga eksperto na malaki ang p­orsyento ng hawahan ng COVID-19 sa magkaangkas na mag-asawa kasi malakas kasi ang hangin na tumatama at mainit ang nakasakay sa motorsiklong single na hindi makakatagal ang virus.

Mas malaking porsyento ang hawaan ng COVID-19 sa kulob na sasakyan na aircon tulad ng mga public transportation na bus, taxi, bus, MRT at LRT.

Ngayon na kakaunti pa lang ang nag-aangkas na mga mag-asawa sa motor ay biglang sumirit ang pagdami ng kaso ng COVID-19.

Wala pong masama sa pag-amin ng pagkakamali?

O baka naman gusto nyo sa taumbayan ay “obey first before you complain”?

Kahit kailan po ang mali ay hindi magiging tama.

Kung noon pa lang hindi nyo na ipinagpilitan ang paglalagay ng barrier na yan ay hindi na sana kayo napapahiya sa taumbayan.

Sori po ngayon ay may social media na kaya hindi kayo titigilan ng netizens sa kababatikos kung alam nilang mali ang inyong gustong ipatupad.

Hindi nyo po sila mapipigilan na ilabas ang kanilang saloobin lalo kung mali ang kanilang nakikita.

Mag-ingat po tayong lahat, may-awa ang Panginoon lilipas din ang COVID-19 na ito.

                                                                                                                                                                     oOo

 

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

71

Related posts

Leave a Comment