Mark ‘Magnifico’ Magsayo: BAGONG HARI NG WBC

MAKALIPAS ang siyam na taon, natupad na ni Mark ‘Magnifico’ Magsayo ang kanyang pangarap.

Sabado ng gabi (Linggo sa Manila) sa Borgata Event Center sa Atlantic City, New Jersey, inagaw ng 26-anyos na si Magsayo ang World Boxing Council (WBC) featherweight crown sa pamamagitan ng majority decision laban kay Gary Russell Jr.

Dalawang judge ang nagbigay kay Magsayo ng iskor na 115-113, habang ang ikatlong judge ay nagbigay ng 114-114.

“This is my dream come true, pangarap ko ito mula pa noong bata ako,” sambit ni Magsayo matapos ang laban. “I’m ready to fight anybody, I’m champion now.”

Ngayon lamang ulit nagkaroon ng Pinoy WBC featherweight champion, matapos magwagi ni two-time world champion Lui­sito Espinosa noong 1995.

Si eighth division world champion at legend Manny Pacquiao ay tinanghal ding featherweight king noong 2003, nang talunin niya si Marco Antonio Barrera sa San Antonio, Texas.

Sa kabuuan ng 12 rounds, tanging ang kaliwang kamay lang ang ginamit ni Russell (32-2, 18KOs), matapos mapag-alamang may iniindang right shoulder injury ito. Pero sa panayam sa kanya, sinabing tila nagkaroon siya ng torn tendon sa balikat sa fourth round.

Bagama’t walang rematch clause sa kanyang kontrata dahil mandatory challenger si Magsayo, sinabi ni Russell na nais niyang makipag-rematch sa Pinoy.

Gayunpaman, duda siyang papayag si Magsayo na magkaharap silang muli.

Hindi napuruhan ni Magsayo ang mailap na dating kampeon, kahit iisang kamay ang ginagamit panuntok, at nagawa pang mag-counter sa mga ibinabato ng mas batang Pinoy challenger.

Ito rin ang unang laban sa halos dalawang taon ng 33-anyos na si Russell at ikaanim na depensa sapol nang hablutin ang korona kay Jhonny Gonzalez noong 2015. At ikalawang talo ng 2008 US Olympian, ang una ay kontra Vasiliy Lomachenko via majority decision din, para naman sa vacant WBO feather title fight noong 2014.

Sa unang round, bumato si Magsayo ng short right at sinundan ng isa pang kanan, na tinanggap namang lahat ng Amerikano. Ipinagpatuloy ng Pinoy ang pagkorner kay Russell at madalas na pagbitaw ng malakas na kanan sa katawan ng kampeon sa halos kabuuan ng rounds.

Manaka-nakang tumatama ang kaliwa ni Russell kay Magsayo, kung saan may pagkakataong napahinto ang huli sa second round. Subalit hindi nagbago ang plano ni Magsayo, hinabol-habol si Russell habang bumabato ng kanan.

Sa huling round, nagawang makapagpatama ni Magsayo ng malakas na kanan at straights, dahilan kaya’t lumamang siya sa scorecards ng dalawang hurado.

Related posts

Leave a Comment