MAY AASAHAN BA KAY BIDEN SA WEST PHIL SEA?

0

NANUMPA na na ang ika-46 Pangulo ng Amerika na si Joseph “Joe” Biden at ang kauna-unahang ­babaing Vice President na si Kamala Harris na ikinatuwa ng mga world leaders na nabanas sa dating Pangulo na si Donald Trump.

Ang tanong, ano ang pakinabang ng mga Filipino sa bagong administrasyon ng Amerika sa susunod na apat na tayo bukod sa tulong pinansyal ng bansang ito, hindi lamang sa ekonomiya kundi sa national security forces.

Makaaasa ba ang mga Filipino sa bagong administrasyon sa Amerika na mababawi na natin ang mga teritoryong sinakop ng harap-harapan ng China dahil sa katuwiran ng ating mga lider na wala tayong ilalaban sa military might ng ‘mananakop” na bansang ito?

Meron akong ­konting ­agam-agam na kahit ang Scarborough Shoal na pinakamalapit na isla sa Zambales na inangkin at binakuran na ng China ay hindi mababawi sa ilalim ng administrasyon ni Biden?

Bakit? Noong 2012, nagkaroon ng standoff ang ­puwersa ng Pilipinas at China sa Scarborough Shoal matapos itong ilegal na sakupin ng China kahit napakalayo na sa kanilang bansa.

Namagitan ang noo’y Pangulo ng Amerika na si Barack Obama at nangako ang China at Pilipinas na iwi-withdraw nila ang kanilang puwersa sa Scarborough Shoal kaya natapos ang standoff.
Ang problema, umalis ang Pilipinas sa sariling teritoryo bilang pagtupad sa pangako pero ang China, pinairal ang kagulangan. Hindi sila umalis sa ating teritoryo at pinalakas pa ang kanilang puwersa sa Scarborough Shoal hanggang ngayon.

May ginawa ba ang Amerika laban sa China sa pambabastos sa kasunduan na sila ang gumawa at pambabastos sa Pilipinas? Wala! Hindi sila kumilos at nanood lang sila sa panggagago ng China, hindi lang sa mga Filipino kundi kay Barack Obama.

Sina Obama at Biden ay kapwa Democrats kaya lalo akong may agam-agam na may magandang ibubunga para sa interes ng mga Filipino ang bagong administrasyon sa Amerika.

At kailangan ng Amerika ang China para maibalik ang sigla ng kanilang ekonomiya na pinabagsak daw ni Trump dahil sa trade war ng dalawang bansa kaya siyempre, uunahin ni Biden ang kapakanan ng mga Amerikano kesa mga Filipino.

Yung pagpapatrolya ng US Forces sa South China Sea, hindi yun para tayo ay ipaglaban ng Amerika. Ginagawa nila yun para sa kanilang pansariling interes dahil dumadaan ang kanilang mga cargo sa nasabing karagatan.

Gusto lang nilang paalalahanan ng China na huwag na huwag nilang gagalawin ang mga barkong dumadaan sa South China Sea na magdedeliber at maglalabas ng mga produkto sa Amerika at iba pa pang bansa.

Kung nais talaga ng Amerika na galawin ang China, dapat hindi nila hinayaan ang bansang ito na magtayo ng military camp sa South China Sea lalo na sa ating teritoryo sa West Philippines Sea.

Ang tanong pa ulit, may aasahan ba tayo kay Biden para maipatupad ang ­desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na pag-aari ng Pilipinas ang mga teritoryong sinakop ng China?

Kung si Trump na hindi type ang China kaya ­naglunsad siya ng trade war ay hindi umaksyon para ­ipatupad ang panalo ng Pilipinas sa PCA, si Biden pa kaya na gustong ibalik ang relasyon nila sa bansang ito para sumigla uli ang kanilang ekonomiya?

Ang punto ko, huwag nating iasa sa Amerika ang kapalaran natin. Kailangang kumilos din tayo para ipaglaban ang ating teritoryo laban sa China.

Related posts

Leave a Comment