MAYROONG KIKITA NG P16.8 BILYON SA SOBRANG HALAGA NG SINOVAC

NAGSIMULA nang mag-imbestiga ang Task Force Against Corruption (TFAC) na pinamumunuan ni Justice Secretary Menardo Guevarra laban sa mga opisyal at kawani ng iba’t ibang kagawaran at ahensiya ng pamahalaan.

Ang pagkakaroon ng TFAC kahit mayroon nang Office of the Ombudsman (OMB) at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ay batay sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Maganda ang desisyon ni Duterte dahil kahit na mayroong OMB at PACC ay walang dudang garapalan ang talamak na katiwalian, korapsyon at pandarambong sa mga kagawaran at ahensiya ng pamahalaan.

Habang kumikilos ang TFAC, OMB at PACC, P16.8 bilyon ang sinasabing sobrang halagang ibabayad ng adminitrasyong Duterte sa Sinovac Biotech ng People’s Republic of China mula sa inorder ng pamahalaan na 25 milyong doses ng bakuna ng nasabing kumpanya.

Ayon kay Senador ­Panfilo Lacson, ang P16.8 bilyon ay nakabatay sa presyong P3,629, o $38 bawat dalawang bakuna, o P1,814 na katumbas sa $19 kada turok.

Halos P17 bilyon ang layo ng agwat ng presyo ng bakuna ng Sinovac na ipapadala sa Pilipinas kumpara sa P240 na presyong ibinagay ng Sinovac sa pamahalaan ng Thailand.

Mas mataas ang bigay ng Sinovac sa pamahalaan ng Indonesia na P683.30 kada turok.

Pero, walang dudang napakababa pa rin nito kumpara sa presyong itinakda ng Sinovac sa Pilipinas.

Pokaragat na ‘yan!

Ngunit, iginiit ng tagapagsalita ni Duterte na si Secretary Harry Roque Jr. na ‘fake news” ang P3,629 na presyo bawat dalawang turok ng bakuna ng Sinovac.

Ganito ang eksaktong pahayag ni Roque: “Ang ­aking i-a-assure po sa inyo, fake news po ‘yung kumakalat na P3,600 daw ang singil ng China. Ang ating presyo, bagama’t hindi pa maaaring ianunsyo kung ano po talaga ang presyo ng Sinovac, ay hindi po nagkakalayo o hindi po lalayo sa presyo ng Indonesia na nasa bandang P650 kada turok”.

Sabi naman ni vaccine czar na si  Secretary Carlito Galvez Jr., ang P3,629 ay hindi presyo ng Sinovac, kundi bakuna ng Sinopharm.

Ang presyong P1,814 bawat turok, o P3,629 kada dalawang turok, ng bakuna ng Sinovac ay hindi fake news, ratsada ni Lacson sa kanyang privilege speech sa Senado nitong Enero 18.

Ayon sa mambabatas, ang napakataas na presyo ng bakuna ng Sinovac sa Pilipinas ay “furnished by the Department of Health (DOH) to the Senate Committee on Finance during the 2021 budget deliberations”.

Ang pinuno ng DOH ay si Secretary Francisco Duque.

Ginoong Roque at Ginoong Galvez, nag­sinungaling ba si Duque nang iparating sa Senate Finance Committee na P3,629 ang presyo ng bakuna ng Sinovac?

Nagbago ng pahayag si Roque pagkatapos ng mga batikos sa kanya.

Ani Roque, hindi P3,629 ang tamang presyo ng bakuna ng China kundi mas mababa pa at malapit daw sa P650.

Kaso, ayaw naman ilabas ni Roque ang binanggit niyang mababang presyo.

Pokaragat na ‘yan.

Ang isa pang argumento ni Galvez makaraang mabisto ang pagtatakip sa napakamahal na presyo ng bakuna ng China ay mababawasan pa raw ang presyo ng bakuna ng Sinovac dahil sa tinatawag na “300% markdown” ng “COVAX facility”.

Binengga rin ni Lacson ang argumentong ito ni Galvez dahil ayon sa mambabatas: “As discussed during the [Senate] hearings, the COVAX facility only has an agreement for early roll-out in February with Pfizer-BioNTech vaccine of a limited quantity. COVAX has also secured agreements for AstraZeneca and ­Moderna, and signed agreements for Johnson & Johnson and Sanofi-GSK”.

“There was no mention of Sinovac. When I asked Sec. Galvez a direct question on whether or not Sinovac is part of the COVAX program, his answer was – ‘nag-a-apply pa lang’,” hagupit ni Lacson.
Pokaragat na ‘yan.

Kahit na ibinunyag ni Lacson ang P16.8 bilyong sobrang bayad, darating ang 25 milyong doses ng Sinovac dahil inamin mismo nina Galvez at Duque na “sealed the deal” at “locked-in agreement” na ito.

Ang paunang 50,000 doses ay darating simula sa Pebrero 20.

Sa madaling salita, tuloy na tuloy na ang bakaunang 50 porsiyento ang bisa nito aban sa COVID-19.

Ibinunyag ni Lacson ang P16.8 bilyong sobrang halaga sa bakunang bibilhin mula sa Sinovac, ngunit inamin niya na: “I am not prepared to accuse anyone in particular of corruption. Rather, it defies logic to suspect at least an attempt to overprice the vaccine. Again, when there is an attempt at overpricing, isn’t it also logical to think na may kikita ng limpak-limpak na salapi?”

Nanindigan at tiniyak ni Pangulong Duterte mismo na walang korapsyon sa bakunang bibilhin sa China.

Ngayon, kayo na ang magpasya kung sinu-sino sa mga taong nabanggit sa paksang ito ang inyong paniniwalaan.

36

Related posts

Leave a Comment