MGA BATANG LALAKI, INAABUSO RIN

0

MALAKING isyu para sa akin ang pananamantalang seksuwal at pambababoy sa mga babaeng minor de edad, o mga batang 17 taong-gulang pababa.

Kaya, kahit hindi assigned beat sa akin ng aming managing editor ang isang erya ay ginagawa ko ang istorya tungkol sa pananamantalang seksuwal at pambababoy sa mga batang babae.

Isa sa mga Special Report ko tungkol sa isyung ito na lumabas noong bagong labas pa lang ang pahayagang Bomba sa ilalim ng pamamahala ng Peryodiko Filipino Inc. (PFI).

Ang nasabing serye ng Special Report ay halaw sa datos at ­eksklusibong panayam sa dalawang opisyal ng International Justice Mission (IJM).

Ang pinakabago sa krimeng ito ay apat na kababaihan ang hinatulan ng korte sa Cebu na makulong at magbayad ng libu-libo dahil sa nagawang pinsala sa dangal ng mga batang babae.

Tatlo sa kanila ay labinglimang taon makukulong at P600,000 ang ibababayad sa siyam na batang naging parausan ng mga malilibog na kalalakihan habang pinanonod ng mga ito ang mga bata sa online.

Ang isa pang akusado ay hinatulan ng korte ay 23 taon naman ang itatagal sa bilangguan.

Inutusan din ng korte ang nasabing babae na bayaran ng P600,000 ang dalawa niyang anak na tatlo at limang taong-gulang dahil sa ginawa silang komoditi ng seksuwal na pananamantala, sa pamamagitan ng online.

Mula sa umpisa hanggang sa wakas ng kaso ay tinulungan ng IJM ang mga biktimang batang babae.

Ang pang-aabusong seksuwal sa mga batang babae ay napakatagal nang suliranin ng ating bansa.

Ang katwiran ng mga ­nahuhuling mga nanay, o kamag-anak ng mga bata, sa mga alagad ng batas ay “kahirapan” ang dahilan sa pagkaladkad sa mga batang babae sa tinatawag na “child online sexual exploitation”.

Ang totoo, hindi lang mga batang babae ang nababatak sa nasabing kawalanghiyaan ng ibang tao, kundi maging mga batang lalaki rin.

Ang problema rito, hindi ito gaanong nairereklamo sa mga awtoridad.

Hindi rin ito naibabalita sa media.

Labis na naniniwala ang mga taong mayroong malasakit at nakikibaka laban sa samu’t ­saring kahalayan at pambababoy na ginagawa sa mga batang lalaki na masyadong malala rin ang krimeng ito sa Pilipinas at iba pang bansa.

Kaya noong Pebrero 8, labingdalawang ahensiya ng pamahalaan at anim na non-government-organizations (NGOs) ang nagkaisa at naglunsad ng kampanyang “Blue Umbrella Day” (BUD).

Layunin nilang pag-ukulan ng pansin ang nasabing krimen.

Sa pangunguna ng k­oalisyong “Family For Every Child”, layunin ng kampanya na ­kalampagin at makuha ang ­atensyon ng mamamayan ng iba’t ibang bansa upang mabigyan ng kinakailangang proteksyon ang mga batang lalaki, kaparis ng proteksyong nararapat ilaan sa mga batang babae.

Inihayag ni Lopa B­hattacharjee, senior program adviser ng Family For Every Child sa India, magkakaroon ng “global desk” at “national research” ang pitong bansa, kabilang ang Pilipinas upang sumulong ang kanilang pakikibaka laban sa nasabing suliranin.

Sabi ni Bhattacharjee, kailangan nang magkaroon ng “global focus on this very, very under-supported issue, ­unacknowledged issue, a hidden issue which is not talked about… and therefore, the effort is to promote the rights of both boys and girls within the whole perspective and context of addressing violence against children”.

“Boys are also part of this scope and they also need ­protection as much as girls, especially from sexual violence”, idiniin pa niya.

Nakikiisa ako sa layunin ng pakikibaka ng BUD – Philippines at Family For Every Child dahil ito ay wasto at makabuluhan.

Tiyak ako na kahit sinumang magulang na tulad ko ay hinding-hindi papayag na maging biktima ng pang-aabusong seksuwal at pambababoy ang kanilang mga anak.

Naniniwala ako na bukod sa iba pang krimen, ang nasabing pambababoy ay mataas na uri ng krimen laban sa mga batang lalaki – at mga batang babae.

Kaya, nararapat at ­napapanahon ang ikinasa at ­sinimulang isulong ng BUD – ­Philippines at Family For Every Child.

Umaasa ako na lahat tayo ay kikilos para sa interes at kapakanan ng mga batang lalaki, sa kabila ng walag tigil na kaliwa’t kanang paglulundagan kada oras at araw ng mga samu’t saring klase ng problema.

Umaasa ako na sa mga susunod na araw, buwan at taon ay hindi mababalewala ang pagsisiwalat, pagsugpo, paglaban at pakikibaka laban sa pambababoy at pananamantalang seksuwal sa mga batang lalaki.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment