MGA KAWING-KAWING NA USAPIN SA EDUKASYON

Psychtalk

(IKALAWANG BAHAGI)

Gaya ng marami pang bata ngayon sa mga nayon, naranasan ko ang maglakad nang mahaba para makapasok sa elementarya—mga 30 minuto (pag diretsong lakad o medyo patakbo dahil hinahabol ng bakang nakasuga sa daraanan) hanggang isang oras (kung may kasamang laro at pamimitas ng wild berries o iba’t ibang ligaw na prutas sa daraanan).

Nababasa ka sa ulan (malalakas na rin ang mga bagyo noon), lulusong ka sa putikan na nakapaa (walang kuwenta ang sapatos o tsinelas kaya bibitbitin mo na lang), hahamunin mo ang rumaragasang tubig sa ilog (wala pang tulay noon), makapasok at makauwi ka lamang. Gagawa ka ng mga takdang-aralin sa liwanag ng lamparang aandap-andap kung kulang na ang gaas, o patay-sindi kung malakas ang hangin.

Kung bagyo, guessing game kung papasok o hindi. Kasi wala namang regular na advisory noon gaya ngayon. Pagkatapos mong gumising nang maaga at maglakad, nganga ka kasi hindi dumating ang mga guro galing sa bayan dahil hindi kinaya ng dyip ng baryo ang lalim ng lubak. Kung medyo bulakbol, maglaro muna ng holen sa may gilid ng ilog, pagkatapos ay kainin ang baon bago umuwi pabalik ng bahay.

Walang gripo at maayos na palikuran sa paaralan. Nagbabaon kami ng pagkain at sarili na naming inumin maghapon.Kung matiyaga, lalabas ka sa school compound at lalakad ka ng ilang metro, makikiigib ka sa gripo na nasa bakuran ng kapitan.

Sino bang magtatanong noon tungkol sa mga bagay-bagay; kasagsagan ng Batas Militar. Aliwin mo na lang ang sarili mo habang nakaantay sa pila sa pamamagitan ng pagsi­lip sa TV (na black and white na parang nakalagay sa maliit na kloseta) sa bintana ni kapitan upang manood ng Eat Bulaga, o Student Canteen kaya.

Payak ang buhay-mag-aaral noon. Maaari ring sabihing mahirap. Pero hindi kami nagreklamo.

Gaano man kahirap, may takot man sa medyo terror mong guro, wala sa bokabularyo ang pagsuko sa pag-aaral.

Ngunit pagdating ng Grade 5, pagkatapos ng maraming dinaanang pagsubok, isang isyu lang pala ang magpapahina sa kagustuhang pumasok—ang karanasan ng bullying sa paaralan. Wala pang ganitong katawagan noon. Hindi napag-uusapan o pinapansin. Bago pa lang ang batas na nagde-define nito. Pero katotohanan na ito noon pa na kinaharap ng maraming mag-aaral, kabilang na ako. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

83

Related posts

Leave a Comment