Mga walang alam na opisyal sa palakasan

ILANG buwan na ang nakalilipas, ang SAKSI NGAYON ay naglabas ng istorya sa posibilidad na makapagpadala ang Pilipinas ng pinakamalaking delegasyon sa XXXII Games of the Olympiad sa Tokyo, na ipinagpaliban noong nakaraang taon dahil sa COVID-19 pandemic at sa halip ay isasagawa na lang sa Hulyo.

Ang artikulo ay base sa magkahiwalay na panayam ng kolumnistang ito kay pangulo ng Philippinje Olympic Committee, Cong. Abraham “Bambol” Tolentino at POC Secretary General Edwin Gastanes.

Kapuwa ipinahayag noon nina Cong. Bambol at Atty Edwin na bukod sa apat na Pilipinong pasok na sa Tokyo Summer Games, 80 pang atleta ang magtatangkang bumiyahe patungo sa primerang siyudad ng Japan para makipagtagisan ng lakas, bilis at talino sa ­pinakamagagaling na atleta buhat sa iba’t ibang panig ng mundo.

Naisip ko na kung noong unang ginanap sa Tokyo ang Olimpiyada noong 1964 ay nakapagpadala tayo ng 64 atleta, mahihigitan ito ngayong 2021 na maaaring umabot pa sa 80, base sa dami ng mga magagaling na atleta natin.

Maliban sa Tokyo qualifiers nang sina Eumir Marcial at Irish Magno sa boksing, pole vaulter Ernest John Obiena at gymnast Carlos Yulo, nakasisiguro na rin sina weightlifter Hidilyn Diaz, boksingerong si Nesthy Petecio, golfers Yuka Sason at Bianca Pagdanganan, at ilan pang pambansang atleta na nagpakitang gilas noong 2019 hanggang 2020.

Ngunit matapos nating maibalita ang tungkol sa malaking posibilidad na makapaguwi na ang Pilipinas ng Olympics gold medal sa loob ng 96 taong paghihintay, wala na tayong narinig o nabasa galing sa magigiting ­nating mga opisyal sa palakasan tungkol sa paghahanda para maisakatuparan ang pagkakataong ibinigay sa atin.

Katunayan, mula nang ­ipatupad ang lockdown na nagbabawal sa pagdaraos ng mga pagtitipon, naging paralisado na ang sports dahil sa pandaigdigang salot na COVID-19.

Saradong lahat ang mga training center sa buong bansa na ginawang mga quarantine facility partikular ang Rizal Memorial Basketball Coliseum at ang multi-purpose Ninoy Aquino Stadium, na parehong nasa loob ng makasaysayang Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila.

Ang Philippine Sports Commission na namamahala sa lahat ng ito ay walang nagawa para humanap ng ibang pagdarausan ng training ng ating mga atleta. Madalang pa sa patak ng ulan sa tag-araw kung magpahayag man na bubuksan na ang mga ­training center para sa preparasyon ng mga pambansang atleta sa ­Tokyo Games.

Salamat na rin at noong nakaraang buwan ay binuksan na ang pinto ng bubble training sa Calamba, kung saan ang mahigit kumulang 80 nating mga atleta mula boksing, taekwondo at karate ay nakapag-eensasyo na.

Huli man daw at ­magaling, naihahabol din. Ayon ito sa ­ilang atletang kasama sa bubble ­training, na nagsabi pang “mabuti na rin kaysa wala.”

Ang mga atleta sa ibang bansang makakalaban kasi nila ay noon pang Hulyo 2020 nagsimula ng build-up program para sa ­nalalabing Olympic Qualifiers.

Depensa ng ilan nating sports officials, pare-pareho raw namang nabiktima ng pandemic ang ibang mga bansa kaya’t wala silang bentahe sa mga Pinoy.

Ang hindi naisip ng mga kulang sa pananaw nating mga opisyal, ang ibang mga bansa na apektado rin ng salot na virus ay malawak ang kaisipang ihanda ang kanilang mga atleta noon pang Hulyo ng nakaraang taon.

Ibig sabihin, anim na buwan na silang naghahanda kontra sa atin na noong Enero lamang nag-umpisa. At kahit sino ang tanungin, ang anim na buwang kalamangan ay napakalaking bagay.

May ilan dating atleta tayo na kasalukuyang nagsisilbing mga opisyal ng PSC at POC, pero sa tingin ko, hindi sila naniniwala o ignorante sa pangaral na itinuro ng bantog na basketball coach na si Ed Macauley: “When you’re not practicing, remember that someone, somewhere is practicing and when you meet him, he will win.”

Magbasa naman kayo paminsan-minsan, mga kaibigan!

95

Related posts

Leave a Comment