MISSION IMPOSSIBLE NA ANG EDSA

SIDEBAR

Sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino lumala nang husto ang lagay ng trapiko sa EDSA dahil na rin sa pagdami ng mga mga pribadong sasakyan kasabay ng malimit na pagkasira ng MRT na siyang dapat pinaka-episyenteng mass transport sa pangunahing highway sa Metro Manila.

Nakailang eksperimento na rin ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa traffic engineering kung papaano mababawasan ang mga sasakyang dumadaan sa EDSA na may kapasidad lang na 170,000 na behikulo araw-araw.

Minsan na ring sumaklolo ang MMDA sa Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police na mag-deploy ng mga HPG personnel sa EDSA pero hindi rin nakayanan ang dambuhalang traffic kung saan nagmimistulang malaking parking area ang EDSA kapag rush hour.

Sinubukan na rin ng MMDA ang ipagbawal ang provincial buses sa EDSA pero nakakuha ng TRO sa korte ang mga operator ng provincial buses kung kaya hindi ito naipatupad.

Naging matagumpay lang ang MMDA sa pagpapasara sa mga terminal ng bus sa EDSA sa pamamagitan ng polisiya na “nose in, nose out” na ang ibig sabihin ay hindi na puwedeng magmaniobra ang mga bus sa EDSA.

Sinubukan na rin ng MMDA ang pagbabawal sa EDSA ng mga pribadong sasakyan na “single passenger only” kapag rush hour kasunod ng pagpapatupad ng number-coding sa EDSA mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi.

Sa kasalukuyan ay may 300,000 pribadong sasakyan at 10,000 bus lang ang dumadaan sa EDSA araw-araw kung kaya parang “Mission Impossible” ang EDSA at dahil dito ay nagiging punching bag ng mga motorista ang liderato ng MMDA.

Si Caloocan City Rep. Edgar Erice ang nagpanukala ng pagbabawal sa EDSA ng pagdaan ng mga pribadong sasakyan mula alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng umaga at alas-6:00 hanggang alas-9:00 ng gabi.

Ang naturang panukala ng vice chairman ng House committee for Metro Manila development ay base sa lohika na luluwag ang EDSA sa rush hour kung mawawala ang 300,000 pribadong sasakyan sa nabanggit na mga oras sa naturang highway.

Pero maraming komplikasyon sa naturang suhestiyon ayon sa MMDA at isa na riyan ang pag-lift ng number coding sa mga sasakyan pati na ang mga pampasaherong bus na dadami sa EDSA.

Duda si MMDA General Manager Jojo Garcia kung kakayanin na magsilbing alternatibong ruta ng mga side street kapag ipinagbawal ang mga pribadong sasakyan sa EDSA. Iminungkahi ni Garcia na payagan pa rin ang mga pribadong sasakyan sa EDSA tuwing rush hour basta may mga kasakay ang driver.

Magiging epektibo lang ang mungkahi ni Erice hanggang sa matapos ang rehabilitasyon ng MRT-3, pagtatayo ng METRO Manila subway, at konstruksiyon ng North Luzon Expressway-South Luzon Expressway (NLEX-SLEX) connector.

At kung episyente lang sana ang MRT at hindi palaging nasisira, mas maeengganyo ang mga motorista na mag-park sa malls sa EDSA at gamitin ang MRT papuntang Makati o sa Caloocan dahil magiging mas mabilis ang kanilang biyahe sa EDSA.

Pero hangga’t wala ang mga nabanggit na mga bagong expressway at episyenteng serbisyo ng MRT, mananatiling “mission impossible” ang EDSA sa mga susunod na buwan at taon. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

203

Related posts

Leave a Comment