NAKAKA-DEPRESS

0

KAHIT sino ang tanungin mo, nadedepress sa sitwasyon ng ating bansa ngayon dahil imbes na humupa ang pandemya dulot ng COVID-19 ay lalong pang lumala pagkatapos ng isang taon.

Ang hirap, lalo na sa mga tulad ko na may matinding ­anxiety. Ang daming kinatatakutan at naaapektuhan kami kapag may nababasa kami na mga negatibong isyu hinggil sa pagkamatay ng ibang tao dahil sa COVID-19.

May mga artikulo na rin ang nagsasabi na isa sa bawat 3 nagpositibo sa COVID-19 ang nakakaranas ng brain o psychiatric disorder sa loob ng anim na buwan.

Ang tinutukoy ko ay ang pag-aaral na ginawa ng Psychiatrist na si Max Taquet ng Oxford University sa Britanya kung saan natuklasan na nagiging common na sa mga biktima ng COVID-19 ang pagkakaroon ng psychiatric disorder.

Hindi ako nagulat dahil sino ba naman ang hindi maaapektuhan ang pag-iisip kung ikaw ay nabingit sa kamatayan dahil sa virus na ito na hanggang ngayon ay hindi pa humuhupa at patuloy na kumikitil ng buhay.

Kami nga na sa awa ng Dios ay hindi nahawa sa COVID-19 ay nagkaroon na ng anxiety bago pa nagkaroon ng pandemya ay naaapektuhan, pano na lang yung nagkaroon ng virus na ito?

At kahit yung mga walang an­xiety nadedepress sa sitwasyon natin ngayon dahil sa mga report na ang mga biktima ay namamatay na lang sa tent dahil hindi ma-accomodate sa loob ng ospital dahil punong puno na ng pasyente.

Nakakadepress na makita na may pasyente na nasa loob lang ng kotse at kinabitan ng dextrose para lamang maisalba ang buhay dahil walang bakante sa loob ng ospital.

Nadedepress din ang mga kaanak ng mga COVID-19 patients dahil walang ospital ang tumatanggap sa kanilang mahal sa buhay dahil punuan na sa dami ng ­pasyente. Wala silang magawa kundi umiyak na lang.

Pero palagay ko, mababawasan ang depresyon ng mga tao kapag dumating na ang mga ­biniling COVID-19 vaccines at magkaroon na ng mass vaccination pero ang tanong kailan talaga darating?

Wala tayong impormasyon kung kailan darating ang bulto ng mga bakuna na binili ng mga local government units, national government at maging ang mga pribadong kumpanya.

Sinasabi lang nila na may darating ngayong Abril at masusundan sa Mayo, Hunyo, Hulyo, Agosto etc, etc pero walang sinasabi kung anong petsa baka daw madelay at manlumo na naman ang mga tao.

Ibig lang sabihin, wala pang kasiguraduhan kung kailan ­darating ang mga bakuna at walang magawa ang mga tao kundi maghintay na lang at magdasal na huwag silang tamaan ng COVID-19 habang wala pang bakuna.

Ibig lang din nitong sabihin na mahaba-haba pa ang panahon para mawala ang depresyon at pangamba ng mga tao na nakakaapekto talaga sa pag-iisip ng mga tinamaan ng COVID-19 dahil kahit gumaling sila kung wala pang bakuna ay hindi pa rin sila ligtas sa virus na ito na mula sa China.

Kung nagawa lang sana ng gobyerno ang tama at hindi dinelay ang pag-order ng bakuna ay hindi natin mararanasan ang paglala pa ng pandemya na nagpapahirap sa mga tao lalo na sa mga mahihirap na hindi makapaghanapbuhay para may makain.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment