NAPABAYAANG MGA BANGKAY SA QUEZON HOSPITAL, INIIMBESTIGAHAN NA

0

MAKARAANG mailathala sa Saksi Ngayon ang ­reklamo ng mga Quezonian kaugnay ng umano’y kapabayaan ng mga opisyal ng Quezon Medical Center (QMC) sa Lucena City sa nakatambak at nangangamoy nang mga bangkay ng mga namatay dahil sa pandemya, ay kaagad nang kumilos ang Department of Health ng Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon (DOH-Calabarzon), upang ito’y maimbestigahan.

Mismong si DOH-­Cala­bar­zon Director Eduardo Janairo ang nagkumpirma sa panayam sa kanya ng ABS-CBN, na mayroon na silang isinasagawang imbestigasyon ukol sa ­reklamo ng mga Quezonian.

Paliwanag ni Director Janairo, marahil kaya nabalam ang pagdispatsa sa mga bangkay ng mga nasawi sa COVID-19 sa Quezon ay dahil sa kakulangan ng mga crematorium sa lalawigan, dahil ang karamihan aniya sa mga kaanak ng mga nasawi sa pandemya ay nais na ma-cremate ang labi ng kanilang mahal sa buhay.

Paliwanag pa ni Director Janairo, maaari namang ma­gawan ng paraan ang nasabing problema upang hindi na umabot sa ganoong kalagayan ang mga labi o bangkay, kung isinelyo na lamang ang mga body bag at saka ini­lagak sa ataul na selyado rin at saka ito ipinalibing.

Ayon naman sa pamunuan ng Quezon Medical Center, hindi lamang umano dapat isisi sa kanila ang nangyari dahil mayroon din anilang pananagutan dito ang pamahalaang panlalawigan na pinamumunuan ni Gov. Danilo Suarez.

Ayon naman sa mga nagrereklamo sa nasabing pangyayari, tila ba walang alam ang Governor’s Office sa pagpapalakad o panga­ngasiwa sa ganoong sitwasyon, maging ang mga dapat gawin upang masawata ang patuloy na pagkalat ng sakit at paglobo na ng bilang ng mga nasawi araw-araw sa lalawigan dahil sa pandemya.

Maituturing anila na isang malaking kahihiyan at dagok sa pangasiwaan ng QMC, at sa lokal na pamahalaan ng probinsya ng Quezon ang naturang kapabayaan, na hindi naman itinanggi ni Gov. Suarez na mayroon ngang naturang insidente sa ospital ng QMC.

Samantala, kung mayroong nangyayaring kapabayaan sa pamunuan ng lalawigan ng Quezon, sa national government naman ay may isinusulong na kabalbalan, ‘yung tinatawag na “Bakuna Bubble”!

Pinag-isipan kaya nina Presidential Adviser for Entrepreneurship Jose Concepcion Jr. at iba pang opisyal ng pamahalaan ang naturang panukala? Akala ko ba nais ng gobyerno na maiangat ang lugmok na ekonomiya ng bansa dahil sa magkasunod na lockdown sa Metro Manila at ilang mga pangunahing lalawigan at mga lungsod sa bansa dahil sa pandemya.

Tapos pagbabawalan nin­yo ang mga walang bakuna na makapasok sa mga mall at mga establisyemento para gumastos? Nakakaloka kayo ha!

Sige nga, patunayan ninyo nga sa mga Filipino na ang isang bakunado ay isang daang porsyentong hindi mahahawaan ng COVID-19, at hindi na rin makahahawa sa mga hindi bakunado?

Bukod d’yan, mismong ang Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) ang nagsabi na kahit fully vaccinated na ang isang indibidwal ay kailangan pa rin nitong mag-ingat dahil maaari pa ring mahawahan ng coronavirus at maaaring mamatay! So, anong silbi ng Bakuna Bubble?!

Mabuti na lang mayroong matinong kalihim ng Department of Justice na si Secretary Menardo Guevarra, na tumutol sa naturang panukala dahil sa maaari daw magkaroon ng problema kung ipatutupad ng gobyerno ang Bakuna Bubble, dahil sa labag ito sa isinasaad ng equal protection clause o pantay na sugnay na proteksyon ng mamamayan na ginagaranti­yahan ng ating Saligang Batas, at maaring kuwestyunin sa Korte Suprema ang legalidad ng Bakuna Bubble.

Tanong lang po sa mga kinauukulan! Hindi po kaya ang dahilan nang biglaang pagtaas ng bilang ng mga pasyente na isinusugod ­ngayon sa mga ospital ay dahil na rin sa sinasabing adverse o side effects ng mga naituturok na bakuna sa mga tao? Ano po ba talaga ang totoo?

Bakit kung kailan marami na ang bakunado saka naman lumobo ang mga nagpopositibo sa COVID-19? Samantalang noong wala pang bakuna, ang pinakamataas na may sakit ng COVID-19 ay mahigit lang sa limang libo, at ito’y sa buong bansa na. Pero ngayon, lagpas na sa dalawampung libo ang kaso kung kailan mayroon nang mga bakuna?!

Baka nga po tama ang pag-aaral ni Luc Montagnier, isang French virologist, na nagbabala sa mga tao ka­ugnay ng diumano’y “masamang epekto” sa mga mababakunahan ng COVID-19 vaccines.

Si Montagnier ay nagawaran ng Nobel Prize noong 2008 dahil sa pagkakatuklas nito ng medisinang panlaban sa human immunodeficiency virus (HIV).

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment