NATUTUYO ANG BUKID

PARA masiguro ang pagkakaroon ng food security sa ating bansa, kailangang mapaunlad pa ang ating irrigation system at tubigan sa lahat ng bukid hindi lamang ang mga nasa palayan.

Kung mapapansin nyo, limitado ang sistema ng ­ating irigasyon dahil ­tanging ang mga bukid lamang na tinataniman ng palay ang mayroon nito. Ito rin ang dahilan kaya dalawang beses lang kada taon nakapagtatanim at nag-aani ang karamihan sa mga magsasaka.

May mga magsasaka sa bansa tulad ng mga taga-Nueva Vizcaya ang tatlong beses na nagtatanim at nag-aani ng palay dahil nabiyayaan sila ng tubig mula sa kanilang mga kabundukan.

Pero sa mga kapatagan, dalawang beses kada taon lang sila nakakapag-ani dahil hindi buong taon mayroon tubig ang mga irrigation canal. Saka lang nagkakaroon ng tubig kapag panahon na ng taniman.

Marami akong nababasa na sa Vietnam at Thailand pala na mga bansang top producers ng palay ngayon sa mundo ay tatlong beses silang nag-aani kaya sobra-sobra ang kanilang produksyon ng bigas. Hindi lang para sa pangangailangan ng kanilang bansa kundi nagagawa pa nilang makapag-export.

Dito sa atin na ­tinaguriang agricultural country pa man din ay pumapangalawa lang tayo sa mundo na top rice ­exporters. Mantakin mo yan.

Kaya dapat galingan pa ng gobyerno ang pagpapaunlad sa ating irrigation system kung nais talaga natin na magkaroon ng sapat na supply ng bigas at magkaroon tayo ng food security.

Pero hindi lang ang mga palayan ang dapat tubigan kundi lahat ng bukid para magkaroon tayo ng sobrang produksyon sa iba’t ibang agricultural crops tulad ng mais, mani, gulay, prutas at kung ano-ano pang uri ng pagkain na magmumula sa mga bukid.

Sa ibang bansa lalo na ang United States (US) may irrigation ang kanilang mga taniman ng mais, gulay at halos lahat ng agricultural lands nila. Dito sa atin umaasa lang ang mga magsasaka sa biyaya ng langit…ang ulan.

Tulad ng palay, dalawang beses kada taon lang puwedeng magtanim ng mais dahil naghihintay muna sila ng ulan bago magtanim. Kaya kapag hindi dumating agad ang ulan na inaasahan nila ay tengga sila.

Tanging sa ulan lang din umaasa ang mga magsasaka para madiligan ang kanilang mga itinanim na mais kaya kapag humaba ang tag-init, halos wala na silang maani dahil hindi maganda ang tubo ng kanilang pananim at hindi na mamumunga ng maganda.

Kahit sa mga taniman ng gulay, tanging sa ulan lang umaasa dahil walang irrigation na puwede nilang kunan ng tubig para madiligan ang kanilang mga pananim kaya mahina ang produksyon natin sa pagkain.

Yung mga gulay na nabibili natin ay mula sa mga malalamig na lugar tulad ng Benguet na hindi kailangan ang maraming tubig pero nagdidilig pa rin ang mga magsasaka.

Pero sa mga kapatagan na mainit ang panahon, ay limitado ang produksyon ­dahil walang sapat na ­supply na tubig para sa kanilang pananim. Nagtitiyaga silang magdilig na lang ­tuwing umaga o kaya hapon.

Isinasabay na lang nila ang pagtatanim ng gulay sa mais kapag dumating ang ulan kaya mahaba-haba ang panahon na natetengga ang mga bukid na hindi sana mangyayari kung sapat ang irigasyon.

Kung magkakaroon ng sapat at maayos na ­irigasyon ang lahat ng bukid, dadami ang produksyon ng pagkain, ­gaganda ang buhay ng mga ­magsasaka kasama ang kanilang mga tauhan at higit sa lahat ­lalago ang ating ekonomiya.

114

Related posts

Leave a Comment