OBLIGADO NANG MAGDESISYON SI DUTERTE

BADILLA NGAYON

SUNUD-SUNOD na ang kasamaan at kabalbalang nagaganap sa Pilipinas nitong mga nakalipas na araw.

Una, sobrang bagal ng pamamahagi ng ayudang pinansiyal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nasa 4.9 milyong kabahayan ang hindi nabigyan sa unang batch ng ayudang galing sa Social Amelioration Program (SAP) batay sa rekord ng DSWD.

Ikalawa, idiniin din ni Roque na hindi na mabibigyan sa ikalawang batch ng SAP ang mga pinakamahihirap na pamilyang nakatira sa mga lugar na wala na sa enhanced community quarantine (ECQ).

Ikatlo, ang mga manggagawang patuloy na mabibigyan ng P5,000 hanggang P8,000 pampinansiyal na ayuda sa ikalawang pagkakataon ngayong Mayo ay ang 3.4 milyong manggagawa mula sa maliliit na mga negosyo.

Ang ayuda ay ang ideya ni Finance Secretary Carlos Domiguez III na small business wage subsidy (SBWS).

Ikaapat, ang milyun- milyong manggagawa mula sa malalaking kumpanya at mga kumpanyang pag-aari ng mga dayuhang negosyante ay wala nang matatanggap na P5,000 ayuda bawat isa mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), sapagkat ipinatigil na ni Secretary Silvestre Bello III ang mga proyektong CAMP at TUPAD dahil said na raw ang pera ng DOLE.

Tapos, ang ika-5 ay aabot lang lahat sa 250,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang mabibigyan ng P10,000 kada isa mula sa proyektong AKAP ng DOLE, samantalang halos 400,000 ang mga OFW na aplikante ng nasabing proyekto.

Hindi na nga nabigyan ng tulong-pinansiyal ang lahat ng mga manggagawa nitong panahong ECQ sa Luzon at iba’t ibang porma ng lockdown sa Visayas at Mindanao, tinakot pa ni Trade Secretary Ramon Lopez ang mga manggagawa na puwede silang tanggalin sa kani-kanilang trabaho kapag hindi pumasok sa pinapasukang kumpanya ngayong ginawang ‘modified’ na ang ECQ.

Ang ika-pito na kabalbalang ito ay “istupidong” ideya, ayon kay Atty. Jose Sonny Matula, pinuno ng NAGKAISA Labor Coalition at Federation of Free Workers (FFW), sapagkat hindi pa naman pinapayagan ng Malakanyang na bumiyahe ang mga pampublikong sasakyan simula Mayo 16.

Ang ikawalo na siyang matindi sa lahat ng kasamaan at kabalbalan ay ang DOLE Advisory No. 17 ni Bello na kailangang mag-usap ang mga negosyante at mga manggagawa sa iba’t ibang kumpanya upang magkasundo na bawasan ang sahod ng mga manggagawa at mga kaakibat na benepisyo sa loob ng anim na buwan upang makabawi ang mga negosyante mula sa pagtigil ng kanilang mga negosyo.

Tahasang kontra-manggagawa ang aksyong ito ni Bello dahil naging kalunus-lunos na nga ang buhay ng milyun-milyong manggagawa sa panahong ito, tapos maglalabas siya ng ‘advisory’ na magpapawalang bisa sa lahat ng mga naging pag-uusap at pasya ng lahat ng Regional Wage and Productivity Board (RWPB) ng DOLE sa mga nakalipas na mahabang panahon.

Ang ika-9 ay ang kumalat na mga litrato sa media (kasama na sa social media) na nagpapakita ng paglabag ng hepe ng National Capital Region Police Office na si Major General Debold Sinas sa mga alituntunin ng ECQ tulad nang kawalan ng face mask, kawalan ng social distancing, pag-inom at iba pa nang ipagdiwang ang kanyang kaarawan nitong Mayo 8 sa Camp Bagong Diwa sa Taguig (himpilan ng NCRPO).

Si Pangulong Rodrigo Duterte, Commander-in-Chief ng Philippine National Police (PNP) kung saan bahagi ang NCRPO, ang nagdeklara ng ECQ sa Luzon.

Ang masama, ipinagtanggol ng mismong pinuno ng PNP na si General Archie Francisco Gamboa si Sinas sa pamamagitan ng pagsasabing “hindi puwedeng palitan” ang heneral dahil sa mga ginawa nito hinggil sa pagpapatupad ng ECQ, kampanya laban sa ilegal na droga at sa tuluyang pagpapatigil ng mga ilegal na sugal sa National Capital Region (NCR).

Sa maniwala o hindi si Gamboa, sinegundahan niya ang kasiraang idinulot ng ginawa ni Sinas sa PNP.

Hay naku po, mukhang hindi matatapos ang masasama at kabalbalang nangyayari sa Pilipinas sa mga susunod na araw, linggo at buwan.

Kaya, sa palagay ko, obligado nang magdesisyon si Pangulong Duterte upang maayos ang lahat nang naganap na mga pagkakamali at kabalbalan ng mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan. NELSON BADILLA

99

Related posts

Leave a Comment