OFW NA AYAW BAYARAN NG SWELDO, NAMATAYAN NG AMA AT WALANG PAMBILI NG KABAONG

0

LUHANG-LUHA akong nahabag sa pinagdaraanan ng isa nating kabayani na si Maribel Manabat na kasalukuyang nasa Khaldiya,Taif, Saudi Arabia.

Siya ay naninilbihan bilang kasambahay at naka­rating sa Saudi Arabia noong Marso 1, 2019 sa pamamagitan ng kanyang ahensya na Pacific Star International.

Sa simula ay naging maayos naman ang kanyang paninilbihan, ngunit tila nitong taon na ito ay tila nagkasunod-sunod ang dagok sa kanyang pamilya.

Noon pa man ay ­inirereklamo nya ang hindi pagbibigay ng regular na sahod ng kanyang employer at lumala pa ito nang ­maging ang kanyang pagkain ay halos ipinagkakait na rin sa kanya.

Dati ay kaya nyang tiisin at palagpasin ang delayed na pagpapasahod, ngunit noong nagkasakit ang kanyang Tatay ay doon na nya hinahanap na maibigay sa kanya ng regular ang kanyang sweldo.

Pero imbes na kusang loob na ibigay dahil kanya naman ipinapaliwanag ang pangangailangan medical ng kanyang Tatay, ay mistulang nagbingi-bingihan lamang ang kanyang employer kung kaya hindi nya mabigyan ng tulong pinansiyal ang kanyang pamilya para sa pagpapagamot ng kanyang Tatay.

Tatlo hangang apat na buwan na siyang hindi binabayaran ng kanyang sweldo kahit na siya ay maki-usap sa kanyang employer.

Imbes na unawain ng kanyang employer ang kanyang sitwasyon, ay tila mas naging mabangis pa ito, dahil maging ang pagkain ay ipinagkakait na rin sa kanya, kung kaya natutunan na lamang niyang kumain ng patago kapag wala sa loob ng kusina ang kanyang employer na babae.

At dahil sa hindi na nakakapadala ng pera si OFW Maribel sa kanyang pamilya, ay hindi na makakabili ang kanyang pamilya ng gamot para sa kanyang Tatay.

Ang pinakamasaklap at talagang bumagabag sa ­aking damdamin ay ang mabalitaan na ang kanyang ama ay pumanaw na dahil sa kakulangan ng pambili ng gamot at ang malungkot ay hindi man lamang mabigyan ng kabaong dahil sa wala silang pera na pambayad sa punerarya.

Panawagan na nga lamang ni OFW Maribel sa kanyang mga kaklase sa kanilang probinsiya ay maambagan sila kahit man lamang pambili ng kandila.

Hindi biro ang ganitong pinagdaraanan ng ating mga kabayani. Likas kasi sa ating mga Pilipino na akuin ang lahat ng pangangailangan ng ating pamilya kung tayo ang naghahanap-buhay.

Si OFW Maribel ay isa lamang sa maraming totoong nakikipagsapalaran para lamang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya at malaking dagok ito at lubhang makakaapekto sa kanyang kaisipan ang ganitong sitwasyon.

Pipilitin ng AKOOFW na mabigyan ng kahit konting tulong man lamang ang pagpapalibing ng kanyang Ama.

Gayundin ang aking panawagan sa kanyang ahensya na Pacific Star International na dapat bigyan nila ng pansin ang sumbong na ito ni OFW Maribel.

-oOo-

Ang AKO OFW ay patuloy na nanawagan sa sinumang may mabubuting kalooban na ibig magpa-abot ng tulong pinansiyal para maipambili ng bigas, de lata at mga ­noodles para sa mga taga Rizal at Cagayan Valley. Maaring magpadala sa pamamagitan ng GCASH sa telepono 0956 846 7849 na may account name na Celerino U.

Related posts

Leave a Comment