OFW NA GUSTONG-GUSTO NANG MAKAUWI

0

ISANG liham ang muli n ating natanggap mula kay Noel Salvo Jr. Siya ay isang overseas Filipino worker (OFW) na nagtatrabaho ngayon sa Ras Tanura, Kingdom of Saudi Arabia.

Ang problemang kaniyang idinulog sa AKOOFW ay may kinalaman sa estado ng kaniyang Tatay na nagtatrabaho rin sa nabanggit na bansa.

Pauwi na sana si Tatay Noel Salvo Sr. noong 2018 mula sa Riyadh nang mapigilan ng isang kaso na isinampa laban sa kaniya ng Ministry of Interior ng Saudi Arabia.

Ang problema, hindi malinaw kung ano ba ang kaso na ikinaso sa kaniya at bagama’t nailapit na ito sa ating embahada tatlong taon na halos ang nakakaraan, mukhang ito ay nakaligtaan na.

Bagaman nabigyan daw ng legal assistance noon si Tatay Noel ng ating embahada subalit wala pa rin daw malinaw na direksyon o update man lang ang law office na humawak sa kaso. Ito ay ang Abdulah Al Qhatani Law Office na nakabase sa Riyadh, KSA.

Kahit daw isang hearing ay wala naman nangyari at hanggang ngayon ay hindi man lang sila inaabisuhan ng nabanggit na law office maging ng mga tauhan sa ating embassy.

Ang employer ni Tatay Noel na Malaz Technologies & Communications Co. ay nagbitaw na daw ng suporta sa kaniya. Kaya simula 2018 ay wala na siyang income o trabaho, expired na rin ang Iqama at wala pang medical insurance na kahit paano ay makakatulong sa kaniya.

Si Tatay Noel ay 63 anyos na. May iniinda pang sakit at nito lamang buwan nang Oktubre ay siya mismo ang nagdala sa kaniyang sarili dahil sa pagiging hypertensive.

Nag-aalala na ng husto ang kaniyang pamilya dito sa Pilipinas. Si Noel Jr. na bagaman ay nasa KSA rin ay hindi naman basta-basta makapunta sa kaniyang Tatay dahil na rin sa iskedyul ng kaniyang trabaho bukod pa sa malayo rin ang kaniyang lugar sa Riyadh kung saan naroon ang kaniyang ama.

Nakailang beses na rin daw siyang nagfollow-up sa embahada subalit gaya ng laging reklamo, matagal bago sila sagutin para asikasuhin ang kanilang problema.

Pero ang huling balita na kanilang natanggap mula sa embahada ay ikokonsulta pa raw ulit nila ito sa lokal na abogado sa pag-asang magkaroon na ng resulta.

Magtatatlong taon na rin ang kaso sabi ni Noel Jr. Nauna pa raw ito sa pandemya. Unti-unti na rin daw nawawalan ng pagasa at nanghihina ang katawan ng kaniyang ama.

Kaya humihiling sila sa AKOOFW na sana ay matulungan ang kaniyang tatay na maiayos kung anuman ang problema sa Saudi at makauwi siyang ligtas at hindi nasasaktan.

Dagdag pa ni Noel Jr., “matino at responsableng tao po ang aking Tatay at di niya po deserve ang ganito sa edad niya at kalagayan ng kalusugan. Nakakalungkot po na mahigit 20yrs. na nagsilbi ang tatay ko sa abroad at ito pa ang naging kapalit.

At sa kagustuhan po namin na siya ay mapauwi kung kani-kaninong tanggapan at grupo na po kami lumapit para masolusyonan po ang problema ito. Matulungan niyo po sana kami. Kailangan na po talaga niyang makauwi para mabigyan ng pagkakataon na siya’y maalagaan at makasama ang mga mahal niya sa buhay.

Makarating po sana sa mga kinauukulan ang sitwasyon ng tatay namin at mabigyan ng tulong.

Gagawing lahat ng AKOOFW ang ating makakaya para matulungan si Tatay Noel para sa lalong madaling panahon ay makauwi na siya sa

Pilipinas at makasama na ang kaniyang buong pamilya.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address na saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02) 84254256.

 

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment