OFW NA MINALTRATO NI MARICHU MAURO, BIGYAN NG HUSTISYA

NAPAKALAKING kahihiyan sa hanay ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nabunyag na pagmamalatrato ni Ambassador Marichu Mauro ng embahada ng Pilipinas sa Brazil.

Sa totoo lang ay hindi ko masikmura na tawagin o idikit pa sa kanyang pangalan ang titulong Ambassador dahil ito ay isang marangal na tungkulin bilang “alter ego” o kinatawan ng pangulo ng ating bansa sa ibang bansa.

Masyadong malupit ang dinanas na pagmamaltrato sa ating kabayaning OFW sa kamay ni Marichu Mauro. Sa katunayan ay ­malinaw sa mga video na kumakalat sa social media na sa tuwing lumalapit pa lamang si Marichu Mauro, ay talagang halos napa­payuko na agad at tila takot na takot na agad ang kabayaning OFW.

Patunay lamang ito na mistulang ginagawa na lamang libangan ni Marichu Mauro ang pananakit sa pobreng kasambahay.

Sa tuwing may OFW at kanilang pamilya na lumalapit at humihingi ng saklolo at tulong ay talagang naiinis at nagagalit ako sa mga employer dahil sa tila walang mga pusong tao ang mga ito na walanag kakayahan na magmahal at magmalasakit sa kapwa tao.

Pero mas higit na kasuklam-suklam kung ang mismong opisyal pa ng embahada na may mandato para pangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga Overseas Filipinos ang siya pang lalapastangan at magmamaltrato sa ating mga kabayani.

Hinahangaan ko si DFA ­Secretary Teodoro Locsin sa kanyang mabilis na pag-aksyon sa isyung ito matapos na makarating sa kanya ang sumbong ng isa ring tauhan ng embahada sa Brazil.

At umaasa ang lahat ng mga OFW na hindi ito mapapabilang sa kaso ng mga diplomat na pinapatahimik at pinapalipas lang ng panahon upang humupa ang galit ng mga mamamayan at sa bandang huli ay maitatalaga lamang sa loob mismo ng opisina ng DFA.

Marahil ay maituturing na eye opener ito sa DFA upang kanilang regular na i-evaluate ang mental o psychological health ng kanilang mga tauhan lalo na ang mga nakaposte sa ibang bansa.

May ilan kasing mga opisyales ng embahada na kapag napadestino na sa ibang bansa ay mistulang nagiging kilos-hari na punong-puno ng kapangyarihan at hindi na nakapanig sa mga OFW kundi sa mga bagong nakikilalang matataas na tao o negosyante sa ibang bansa.

Maging aral din sana ang pangyayaring ito sa Commission on Appointments na mas maging mahigpit sa pagbusisi sa pagkatao ng mga bagong itatalagang opisyal ng embahada.

Samantala, bukas sa aking bagong programang Bantay OFW sa radio DWDD 1134KHz ay aking inimbitahan si Deparatment of Labor Secretary Silvestre Bello III upang talakayin naman ang suportang legal at pinansiyal sa kasambahay na binugbog ni Marichu Mauro.

Gayundin ay aking kakamustahin ang mga nakabinbin at ­inaabangan na ayuda sa mga OFW na mas kilala sa DOLE AKAP .

Kasama rin sa aking bisita si Administrator Hans Cacdac ng Overseas Workers Welfare ­Administration (OWWA) para magbigay ng mga bagong impormasyon sa ­inaabangan na OWWA Tulong Puso at pati na rin ang magbigay linaw sa nagaganap na swab ­testing para sa mga OFW na dumarating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ang programang Bantay OFW sa DWDD 1134KHz ay mapapakinggan tuwing Biyernes simula alas 6:00 hanggang alas-7:00 ng gabi.Regular kong makakasama bilang co-host ang dati ring OFW mula sa bansang Japan na si Alden Estolas at ang mga ­volunteer ­correspondent na sina Joseph Rivera (Qatar) Mary Jane Nolasco ­(Kuwait) John Godfrey (Jeddah,Saudi Arabia) at Ariel Fernandez (NAIA).

Kung mayroon kayong nais idulog ay maaring tumawag sa 09081287864 (viber at ­whatsapp) habang nasa ere ang ating ­programa.

61

Related posts

Leave a Comment