OWWA TULONG PUSO AY PARA SA LAHAT NG OFW ORGANIZATION (Ikalawang Bahagi)

0

DAHIL sa ako naman ang “principal sponsor” ng OWWA Resolution para sa Tulong Puso, ay inako ko na sa aking sarili na maglalaan ako ng oras upang ipalaganap ang programang ito upang hindi na maulit ang ­dating pagkukulang sa impormasyon na naging dahilan kung kaya hindi gaanong napakinabangan ng mga OFW ang naunang Tulong Puso program ng DOLE.

Bilang ako naman ang ­Founding Chairman ng Advocates and Keepers Organization of OFW (AKOOFW) ay sinimulan ko sa aki­ng sariling grupo ang AKOOFW Info Caravan na ang layunin ay ipaalam hindi lamang sa mga ­miyembro nito, kundi pati sa lahat ng samahang OFW ang programang Tulong Puso.

Taliwas sa mga ibinibintang o ipinapakalat ng ilang grupo na supporter ng ibang partylist, ay kahit minsan ay hindi nababanggit sa nasabing AKOOFW INFO CARAVAN na kinakailangan na maging kasapi muna ng AKOOFW bago makatangaap ng Tulong Puso. Bilang patunay ay bawat AKOOFW INFO Caravan ay may kumukuha ng video at ang ilan pa nga sa dumalo ay may live broadcast.

Sa AKOOFW Info Caravan ay hinihikayat ko ang bawat dumalo na magbuo ng kaniya-kaniyang grupo ng limang (5) miyembro pataas para makasali sa programang Tulong Puso. Dito rin itinuturo ang paraan ng pag-a-apply nito at maging ang pagbibigay ng mga kopya ng sample ng by-laws at business plan na tinustusan ng pondo ng AKOOFW.

Ang OWWA Tulong Puso ay programa ng OWWA para sa mga grupo ng mga OFW ­maging ito ay active o inactive OWWA Member o ang kanilang pamilya o ­beneficiaries. Ito ang tanging ­programa ng OWWA na walang OFW na maiiwan na katulad ng tagubilin ng Pangulong Duterte.

Sa Programang Tulong Puso ay kinakailangan lamang na magbuo ng grupo ang mga OFW, dating OFW, at maging ang mga undocumented OFW. Dapat ay 80 posiyento ng miyembro ay mga OFW na active o in-active na OWWA Member kahit matagal ng retirado o nag “For Good” at 20 porsiyento ng grupo ay maaring isali ang mga undocumented na OFW.

Sakaling makabuo ng 5 hangang 10 miyembro ang grupo ng OFW ay maari itong makatanggap ng 150,000 na grant (hindi loan) na maaring gamiting puhunan sa negosyo na kanilang bubuksan.

Sakaling ang grupo ay magkaroon ng 11 hangang 15 ­miyembro ay makakatanggap sila ng 250,000 na grant at kung sila ay makabuo ng grupo na may ­miyembrong 16 hangang 30 ay maari silang makatangap ng 500,000 na grant. At kung magkakaroon naman ang grupo ng 31 o higit pang miyembro ay maaari silang makatanggap ng 1 milyon piso na grant.

Napakasimple ng patakaran sa pag-apply dito. Kinakailangan lamang na iparehistro alinman sa Securites and Exchange Commission (SEC), Department of Labor and Employement (DOLE) bilang workers Association o kaya sa Cooperative Development Authority (CDA) ang kanilang mabubuong samahan.

Matapos na ito ay marehistro alinman sa SEC, DOLE o CDA, ay maari nang mag-sumite ng kanilang business plan at ilan pang dokumento na hinihingi ng OWWA offices para sa evaluation.

Halos lahat ng klase ng legal na negosyo ay maaring puhunanan ng Tulong Puso grant. Kabilang dito ang Livelihood start-up o pagsisimula pa lamang ng negosyo katulad ng franchise business. Online business at iba pa. Gayundin, maaring gamitin ang grant sa Livelihood expansion o pagpapalaki ng kasalukuyang negosyo at iba pa.

Nakakalungkot lamang na ang magandang layunin ng ­­programang Tulong Puso ay pilit na binibigyan ng kulay pulitika lalo na ng mga taong taga-suporta ng mga datihang partylist.

Ang AKOOFW ay patuloy na maglulunsad ng sarili nitong Info Caravan upang siguruhin na ang programang Tulong Puso ay mapakinabangan ng lahat ng mga OFW bilang pagsunod sa tagubilin ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte na dapat ang lahat ng mamamayan kabilang na ang nasa sektor ng OFW ay makikinabang at walang maiiwan.

Ito lamang ang tanging ­programa ng OWWA na kahit na retirado sa matagal na panahon ay kabilang pa rin. Maging ang mga bedridden o mga OFW na may karamdaman ay maaring makinabang sa ­programang ito. Ang mga dating hindi kabilang na undocumented OFW ay isinama na rin upang sa gayun ay makapagsimula sila ng kanilang paghahanap-buhay upang makabangon sa pagkakalugmok.

Ang AKOOFW ay lubos na nagpapasalamat kay DOLE Secretary Silvestre Bello at kay Administrator Hans Cacdac sa pagsuporta sa programang ang layunin ay ­matulungan ang lahat ng mga OFW.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment