PAANO BA TALAGA NAGKAKAROON NG COVID-19 ANG ISANG TAO?

0

MALAPIT nang mag-isang taon mula nang maging pangunahing suliranin ng pamahalaan at ng mamamayang Filipino ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kaya, malapit na rin ang isang taong anibersaryo ng community quarantine (CQ) sa Pilipinas.

Nagsimula sa enhanced community quarantine (ECQ), naging general community quarantine (GCQ) hanggang nanganak pa ng dalawang kategorya ng CQ.

Pokaragat na ‘yan!

Sa kasalukuyan, pangunahing paksa ang pagsasailalim ng buong bansa sa modified GCQ, kabilang na ang National Capital Region (NCR) na kabisera ng Pilipinas, sa ­nakaiskedyul sa Marso 1.

Ipinarating na ng National Economic and Development Authority (NEDA) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kahilingan nitong isailalim sa MGCQ ang buong bansa sa nabanggit na petsa.

Ang layunin nito, ayon kay NEDA Acting Secretary General Karl Kendrick Chua, ay upang buksan ang mga negosyo at makakilos nang maluwag-luwag ang mamamayan.

Sa ganitong paraan, uusad ang ekonomiya na pinaniniwalaang makababangon ito sa susunod na mga buwan.

Ganito rin ang posisyon ni Joey Concepcion, ang negosyanteng tagapayo ni Duterte hinggil sa ­larangan ng entrepreneurship.

Lumabas din ang balita hinggil sa panawagan ng mga gobernador ng mga lalawigan sa pamumuno ni Marinduque Governor Presbitero Velasco na isailalim ang Pilipinas sa MGCQ.

Ngunit, mayroon ding tutol sa MGCQ tulad ng 8 sa 17 alkalde sa NCR.

Naniniwala ang walo na tataas ang kaso ng COVID-19 kapag MGCQ.

Ayon sa OCTA Research ng University of the Philippines, aabot daw sa higit dalawanglibong tao kada araw ang magkakaroon ng COVID-19 kapag inilagay sa MGCQ ang buong bansa.

Pokaragat na ‘yan!

Ang batayan ng prediksyon ng nasabing samahan ng mga eksperto ay marami nang lalabas na tao patungo kung saan-saang lugar, kasama sa kanilang mga papasukang kumpanya, dahilan upang magkaroon sila ng COVID-19.

Pebrero 2021 na ngayon, ngunit sa totoo lang hindi ko pa rin alam at hindi maarok ng utak ko kung paano talaga nagkakaroon ng COVID-19 ang isang tao.

Pakipaliwanag nga po nang malinaw at pakieksakto ang pinagmumulan ng COVID-19 upang malinawan ang lahat, maliban sa akin na ‘ignorante’ pa rin hanggang kasalukuyan tungkol sa nasabing virus.

Sabi kasi dati nina Health ­Secretary Francisco Duque III at Presidential Spokesperson Harry Roque Jr., panatilihin ng mamamayan ang isang metrong “social distancing” sa isa’t isa upang hindi magkaroon ng COVID-19.

Pero, nang magsalita si Roque sa napakaraming taong halos magpalitan ng mukha sa Bantayan Cebu noong nakalipas na taon ay ­”inabsuwelto” siya ng Philippine National Police (PNP) sa ginawa niyang pagsasalita sa napakataong lugar.

Ang batayan ng PNP ay walang linabag na batas at alituntunin si Roque dahil hindi naman daw tumaas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa nasabing barangay sa Bantayan matapos magtalumpati si Roque.

Uulitin ko po, mataong lugar.

Ganoon din ang nangyari kay Senador Manny Pacquiao, pinawalang-sala ng PNP dahil hindi naman lumukso ang bilang ng mga nagkaroon ng COVID-19 matapos siyang magtalumpati sa harapan ng napakaraming tao.

Pasensya na kayo sa pag-ulit ko ng mataong lugar ang pinuntahan ni Pacquiao.

Idinidiin ko lang po ang “mataong lugar”.

Naalala nyo pa ba ang proyektong dolomite ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na inilagay sa isang bahagi ng Manila Bay?

Hindi ba’t dinumog ito ng napakaraming Filipino upang makita ang sinasabing ‘ganda’ ng dolomite?

Kitang-kita pa sa litratong lumabas sa ilang pahayagan at social media na magkakadikit at nagsisiksikan ang napakaraming tao sa overpass malapit sa Manila Bay upang makita ang dolomite.

Pagkatapos nito, mayroon bang inanunsiyo ang DOH, ang Octa Research at ang pamahalaang lungsod ng Maynila na

lumobo nang husto ang kaso ng COVID-19 dahil sa pagbisita nila sa dolomite?

Wala!

Subukan ninyong lumabas ng inyong mga bahay upang malaman ninyong walang tigil ang paglabas ng mga tao sa kalsada at ang mga bata ay hindi pinipiglan ng kanilang mga magulang na maglaro sa kalsada, pero hindi tumaas ang kaso ng COVID-19.

Dito lang sa aming lugar, araw-araw nasa kalsada ang mga batang hindi pa yata nag-aaral, regular na naglalabasan ang mga tao sa kani-kanilang bahay, mayroon pang mga nanonood ng live sabong mula sa online sabong, ang ibang magkakatropa ay umiinom pa sa kalsada at marami pang ibang pangyayari habang nasa GCQ ang NCR, ngunit wala pang kaso ng COVID-19 dito sa amin hanggang ngayon.

Pokaragat na ‘yan!

Kaya, pakisagot nga po nang tama at eksakto kung paano nga ba talaga nagkakaroon ng COVID-19 ang isang tao?

Related posts

Leave a Comment