PAG-IINGAT SA SARILI, KAILANGAN PA RIN SA KABILA NG PAGDATING NG BAKUNA

0

NAPABALITA kamakailan ang pagkaantala ng pagdating ng bakuna sa bansa. Ang bakuna mula sa Pfizer-BioNTech na dapat sana ay darating sa kalagitnaan ng buwan ng Pebrero ay naantala dahil sa ilang dokumentong may kinalaman sa indemnification fund base sa pahayag ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr.

Bagama’t hindi pa tapos ang pagreresolba sa naging dahilan ng pagkaantala ng pagdating ng nasabing virus, ipinahayag naman ng pamahalaan ang nakatakdang pagdating ng bakuna mula sa Sinovac, isang parmasyutikal na kumpanya sa China.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakatakdang dumating sa katapusan ng buwan ng Pebrero ang 600,000 na dosis ng bakuna mula sa Sinovac. Nasa 25 milyong doses ng bakuna ang kabuuang bilang ng nakatakdang manggagaling mula sa Sinovac.

Ang unang batch nito ay nakatakda sanang dumating sa bansa noong ika-23 ng Pebrero, ngunit ito ay naantala rin dahil kamakailan lamang ito nabigyan ng emergency use authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA).

Sa isang press briefing noong ika-26 ng Pebrero ay ipinahayag ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG), ang advisory group ng Department of Health (DOH), ang pagbibigay nito ng pahintulot ukol sa pagbibigay ng Sinovac sa mga healthworker sa bansa.

Nilinaw naman ng nasabing grupo na bagama’t pinahintulutan ang pagbibigay sa mga health worker ng bakuna mula sa Sinovac, malaya pa rin silang mamili ng ninanais nilang tatak ng bakuna.

Ang Pilipinas ang pinakahuling bansa sa Timog Silangang Asya na nakatanggap ng bakuna. Nahuli man tayo ng bahagya sa ating mga karatig bansa, ang mahalaga ay malapit na ring dumating ang bakunang susugpo sa pandemyang ito. Bagamat parating na ang bakuna na ating pinakahihintay, kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat upang patuloy na makaiwas sa virus.

Sa kasalukuyan, nasa higit sa 570,000 na ang kabuuang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa. Noong ika-26 ng Pebrero ay naitala ang pinakamataas na bilang ng nadagdag na kaso kada araw sa bilang na 2,651 para sa taong 2021.

Huwag tayo masyadong dumepende sa bakuna. Bukod sa proteksyon na ibibigay ng bakuna, nananatiling mahalaga ang pagpagpatuloy ng ating nakagawiang pansariling pag-iingat. Ugaliin pa rin ang pagsusuot ng face mask at ng face shield sa mga pang-publikong lugar.

Uminom ng Vitamin C, Maghugas na mabuti ng kamay at ugaliin din ang madalas na paggamit ng alcohol o hand sanitizer. Kung makaramdam ng sintomas ng COVID-19, magkusang loob at isailalim ang sarili sa quarantine upang hindi makahawa sakaling mag-positibo sa COVID-19. Iwasan din ang pagpunta sa mga pang-publikong lugar kung may sintomas na nararamdaman.

Ang pagdating ng bakuna sa bansa ang magsisilbing simula ng muling pagbangon ng Pilipinas mula sa epekto ng pandemyang COVID-19.

Maaaring nahuli tayo sa ibang bansa, ngunit ang pagkuha ng bakuna ng bawat bansa ay hindi naman paligsahan. Ang dapat siguraduhin ay ang pagiging epektibo ng sistema ng pamamahagi nito. Gawin natin ang ating parte bilang mamamayan. Magtiwala tayo sa ating pamahalaan, magpabakuna, at patuloy na pangalagaan ang sarili.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment