PAGBASURA SA VFA

SIDEBAR

WALANG katulad sa kasaysayan ng Pilipinas ang ginawang pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA) ni Pangulong Rodrigo Duterte at mismong ang founding chairman ng Communist Party of the Philippines na si Jose Ma. Sison ang pumuri sa pangulo.

Ayon kay Sison, posibleng maging “greatest president” si Duterte kung magiging consistent ito sa pagsusulong ng pambansang soberenya gaya nang pagbasura sa VFA na sasabayan ng makabuluhang mga reporma sa ekonomiya at panlipunang pagbabago partikular ang pambansang industriyalisasyon at repormang agraryo.

Idinagdag pa ni Sison na kung mangyayari ang gayon ay magkakaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa dahil ito mismo ang programa ng rebolusyonaryong kilusan na pinamumunuan ng Communist Party of the Philippines (CPP) at National Democratic Front (NDF).

Ilang Pilipinong senador din ang umangal sa unilateral na terminasyon ng VFA na ginawa ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamamagitan ng pormal na notice sa US Embassy. Ito’y sa kabila ng katotohanan na Philippine Se­nate lang ang nagratipika sa VFA noong 1999 samantalang hindi ito pinansin ng US Senate.

Pero hindi kuntento si Sison sa pagbasura lang ng VFA na isang malaking sampal sa administrasyon ni US President Donald Trump.

Nais din ni Sison na manindigan si Duterte laban sa “social imperialism” ng bansang China na dating pinagkukunan ng armas ng CPP at New People’s Army (NPA) noong dekada ‘70.

“If Duterte can do everything that I have said, then I will salute him as the president fundamentally different from and superior to all his predecessors in terms of patriotism and progressiveness,” paliwanag ni Sison.

“Social imperialist” ang tawag sa mga sosyalistang bansa gaya ng China na na­ging superpower bagama’t hindi naman ito talaga nanakop ng ibang bansa gaya ng ginawa ng Soviet Union nang sakupin nito ang Afghanistan noong 1979.

Sa lenggawahe ng mga kaliwa, ang pagiging “social imperialist” ay sosyalista sa salita pero imperyalista sa gawa.
Tinutukoy ni Sison ang pag-agaw ng Peoples Liberation Army (PLA) ng China sa mga isla sa Scarborough Shoal na nasa loob ng exclusive economic zone sa West Philippine Sea.

Sa totoo lang, nagpabaya ang mga naunang administrasyon sa pag-okupa sa mga isla sa Scarborough Shoal at ang kawalan ng aksyon ng ating Department of National Defense ay sinamantala ng China para makauna sa pag-okupa sa mga nasabing isla na wala namang nakatirang mga Pilipino.

Matagal ng may mga satellite photo na nakuha ang DND hinggil sa mga permanent structures sa ilang mga isla sa Scarborough Shoal pero kahit na meron tayong Mutual Defense Treaty sa US ay wala ring nagawa ang ating alyado para mapigilan ang China sa pag-angkin sa West Philippine Sea. RAYMOND BURGOS

 

75

Related posts

Leave a Comment