PAGPASLANG SA MGA ABOGADO DAPAT TULDUKAN NA

FORWARD NOW
0

MARIIN nating kinukondena ang pagpaslang sa ating kapwa abogado na pinatay mismo sa loob ng kanyang opisina sa Talavera, Nueva Ecija. Ang kulturang ito ng kawalan ng lakas na nagpapaliit sa halaga ng isang buhay ay dapat ng matigil na.

Ang pagpatay kay Bayani Dalangin ay pang-apatnapu’t walong insidente na nang pagkitil sa miyembro ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) simula noong 2016. Panahon na para gumawa ng imbestigasyon ang Kongreso upang matukoy kung ano ang magagawa ng Executive branch para matuldukan na ang pagpaslang sa mga abogado.

Noong nakaraang taon, inihain natin sa Kamara ang House Resolution No. 185 bilang panawagan na dapat magsagawa ng inquiry ukol sa pagkamatay ng mga mana­nanggol.

Ang nasabing resolusyon ay naghihimok din sa Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP), sa pakikipagtulungan ng Commission on Human Rights (CHR) and Integrated Bar of the Philippines (IBP), na lumikha ng special task force na magpapatupad ng legal na aksyon upang mahuli ang mga may pananagutan sa mga pagpatay at mabigyan ng katarungan ang mga biktima.

Kailangan pa nating paigtingin ang pangangalampag para marinig ng mga kinauukulan. Kailangan na nating tuldukan ang mga pagpatay na ito, dahil nalalagay sa balag ng alanganin ang buong legal system.

Hindi magagampanan nang maayos ng mga mi­yembro ng law profession ang kanilang tungkulin sa kadahilanang nangangamba ang mga ito sa mga nagnanais na impluwensiyahan ang mga legal proceedings. Maaari nitong panghimasukan ang law practitioners mula sa pagkuha o paghawak ng mga posibleng kontrobersyal na mga kaso.

Mas nakakabahala ang ganitong uri ng mga pagpatay sapagkat magpapahina ito ng loob sa mga ordinaryong mamamayan para magsampa ng kaso laban sa mga makapangyarihang grupo o indi­bidwal dahil sa takot na mapaghigantihan.

Alam natin na ang ating mga abogado ay hindi kailanman magpapasindak sa sinumang nais maghasik ng takot upang sa gayon ay maaari nilang maantala ang paggulong ng hustisya. Ngunit ito ay responsibilidad ng estado na tiyakin ang seguridad hindi lamang ng mga abogado, kundi maging ng lahat ng mga mamamayan. REP FIDEL NOGRALES

 

Related posts

Leave a Comment