PAGSUBOK SA SISTEMANG PANGKALUSUGAN NG BANSA

SA GANANG AKIN

LAMPAS na sa tatlong linggo mula nang ipatupad ng pamahalaan ang enhanced community quarantine (ECQ) at sa tatlong linggo na ito ay tiyak na marami na rin ang nakapag-adjust at malamang ay mayroon na ring mga bagong routine.

Sa salita ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, ito na ang bagong normal na klase ng pamumuhay.

Nakatakdang matapos ang ECQ sa ika-14 ng Abril, ngunit matapos man ito ay tiyak na hindi pa rin magiging mabilis ang pagbalik sa normal ng mga bagay-bagay.
Patuloy pa rin ang pagtaas ng  bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19 sa bansa. Nitong Sabado ay tumuntong na sa mahigit 3,000 ang ating naitalang kaso. Napakahaba pa ng tatahakin natin bago matapos ang laban na ito. Malapit na ang nakatakdang pagtatapos ng quarantine ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin natin naaabot ang sinasabing “flat curve”.

Sa higit tatlong libong naitalang kaso, nasa higit sa 50 pa lamang ang gumaling at ang bilang na ito ay wala pa sa kalahati ng mga namatay na lagpas na sa 100. Nakakalungkot na mas marami pa ang pumanaw kaysa sa gumaling mula sa sakit na ito. Ngunit ang mas malungkot ay ang mga balitang ilan sa mga namatay na ito ay kabilang sa ating mga frontline healthworker.

Kung sana naging mas maagap ang Department of Health (DOH) sa paghahanda para sa pandemyang ito, hindi sana nabawasan ang ating mga tinuturing na bayani. Kailangan natin sila ngayon higit  kailanman dahil kung patuloy na lolobo ang bilang ng kasong positibo sa virus, maaaring tuluyan na tayong kulangin sa mga doktor at mga nars. Kailangan natin silang paka-ingatan.

Mas kailangan ding maging mabilis ang pamahalaan, partikular na ang DOH, sa pagpapatupad ng mga naaangkop na estratehiya sa pagsugpo ng virus na ito. Huwag na sanang hayaan na matulad tayo sa US, Italy, at Spain kung saan nasa daang libo ang bilang ng mga kaso at libo-libo rin ang namamatay bawat araw.

Isang matinding hamon talaga ito para sa  buong mundo lalo na para sa isang third world country na gaya ng Pilipinas. Kung ang mga mas mayayamang bansa ay nahihirapan, tayo pa ba ang hindi? Kung magpapatuloy at hahaba pa ang panahon ng lockdown, maaaring bumagsak ang ating ekonomiya. Ito ay isa sa mga dahilan kung bakit mahalagang maging mabilis ang ating pamahalaan sa anumang estratehiyang naisip nito. Maraming buhay ang nakasalalay.

Isang bagay lamang ang sigurado sa ngayon at  kakayanin natin ito dahil likas na sa ating mga Pinoy ang maging matibay at positibo sa pagharap sa anumang hamon sa buhay. Magkaisa tayong lahat upang mas mabilis mapagtagumpayan ang dagok na ito at sa pagtatapos nito ay lalo pa tayong magkaisa para sa mabilis na pagbangon ng ating bansa.

73

Related posts

Leave a Comment