PALPAK ANG CPP SA SENADO

0

IBANG klase rin ang impormasyong pinakawalan ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) laban sa unyon ng mga empleyado ng mataas na kapulungan ng Kongreso, o Senado.

Ang impormasyon ay mayroong “mata” at “tainga” ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa Senado, sa pamamagitan ng ilang empleyado nito.

Ang nagsabi raw nito ay mismong pinuno, o hepe, ng NICA na si Alex Paul Monteagudo.

Pokaragat na ‘yan!

Nakaugnay umano ang CPP sa mga empleyado ng Senado na kasama sa Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (SENADO).

Ang pinalutang na batayan kung bakit naugnayan, napasok at nakilusan ng CPP ang Senado ay ang pagiging miyembro ng SENADO sa COURAGE (Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees).

Ang COURAGE ay matagal nang itinuturong prente ng CPP dahil ang dalawang organisasyong ito ay parehong nagsusulong ng pambansa – demokratikong interes at adhikain.

Labas sa impormasyong ito, wala nang sinabing bago at makabuluhan si Monteagudo upang patunayang totoong napasok at nakilusan ng CPP ang Senado, sa pamamagitan ng SENADO.

Kaya, hindi kahanga-hangang hepe ng NICA ito si Monteagudo.

Hindi ako naniniwalang napasok at nakilusan ng CPP ang SENADO kahit sabihin pang kasapi ang huli sa COURAGE kung saan naging pangulo si Bayan Muna party – list Representative Ferdinand “Ferdie” Gaite.

Alam ba ninyo kung bakit?

Kahit kailan ay hindi nagawa ng mayorya ng mga senador na magpasa ng panukalang batas na magbibigay ng napakataas na sahod sa mga kawani ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.

Hindi rin nagawa ng dalawampu’t apat na mga senador na gawing regular ang lahat ng mga kawani ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Hanggang kasalukuyan, nananatiling napakaraming ­empleyado sa pamahalaan ang kontraktuwal.

Pokaragat na ‘yan!

Kapag sinabi nating kontraktuwal ay hindi regular ang trabaho, napakababa ng sahod at walang magandang benepisyo sa pamahalaan.

Hindi rin nagawa ng mga senador na makapagpasa ng panukalang batas na nagpapatigil sa kontraktuwalisasyon sa mga manggagawa at empleyado ng mga pribadong kumpanya, alinsunod sa kagustuhan ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Partido Manggagawa (PM), Federation of Free Workers (FFW), Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) at iba pang organisasyon ng mga manggagawang Filipino.

Ang nagawa ng Senado ay nagpasa ito ng panukalang batas laban sa kontraktuwalisasyon, ngunit napakaraming butas nito pabor sa maraming kapitalista.

Pokaragat na ‘yan!

Wala pa ring nagagawang panukalang batas ang Senado na magbibigay ng pampinansiyang ayuda sa mga manggagawang – bukid, magsasaka, mangingisda at iba pang grupo na bahagi ng sektor ng agrikultura.

Palaging panukalang batas na magpapautang sa mga magsasaka na mayroong interes.

Ibig sabihin, pinayagan ng mga Senador na pagkakitaan ng mga bangkong pag-aari at kontrolado ng pamahalaan ang mga magsasaka.

Pokaragat na ‘yan!

Walang ibang kahulugan ang mga ‘yan, kundi hindi nagawang diktahan ng SENADO ang mga Senador.

Hindi napamunuan at nagabayan ng SENADO ang mga Senador sa adyenda at misyon ng CPP.

Ito’y dahil hindi totoong naugnayan, napasok at nakilusan ng CPP ang SENADO, sa pamamagitan ng COURAGE.

Hindi ko ipinagtatanggol ang COURAGE.

At lalong hindi ko tinalakay ang isyung ito rito sa BADILLA Ngayon upang iligtas ang CPP.

Ginawa ko ito, una, upang ipagtanggol ang mga kawani ng Senado na kabilang sa SENADO dahil kasapi ng CPP ang mga nasabing empleyado.

Hindi rin kontrolado at ­nadidiktahan ng CPP ang SENADO, sa pamamagitan ng ­COURAGE.

Kung totoo ang impormasyon ng NICA na naugnayan, napasok at nakilusan ng CPP ang SENADO, masasabi kong walang kuwenta pala ang CPP, sapagkat palpak ang organisasyong ito.

Itinuring na pinuno ng armadong pakikibaka ang CPP, ngunit hindi nito napahanga at nakumbinsi ang mga empleyado ng Senado upang kumilos at gumampan ang mga senador para sa interes at kagalingan ng uring manggagawa.

Walang masama na ituro ni Monteagudo ang sinumang tao na gusto niyang akusahan na kadre ng CPP dahil ito naman ang kanyang sinumpaang gawain, tungkulin at obligasyon sa NICA.

Ngunit, tiyakin naman ni Monteagudo na totoo at eksaktong impormasyon ang pakakawalan niya sa media.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment