PALPAK NA ASUNTO

0

HINDI na bago ang pagbasura ng husgado sa mga isinampang asunto ng Philippine ­National Police (PNP) sa korte kaugnay ng kampanya ng pamahalaan laban sa pinakamaunlad na kalakalan sa bansa – ang droga.

Sa tuwing idi-dismiss ng korte ang kaso, karaniwang nagiging batayan ang kabiguan ng piskalya na patunayan ang sala ng mga akusado nang walang bahid alinlangan. Bahagi rin ng dahilan kung bakit pinawalang-sala ang marami sa mga sangkot sa droga ang palpak na kasong isinasampa ng pulis laban sa kanilang mga naaresto sa moro-morong buy-bust operation sa mga pipitsuging target nito.

Sa isang asuntong inihain taong 2016, arestado ang tatlong magkakapatid mula sa Barangay Pinagbuhatan sa Pasig City.

Ayon mismo sa Korte Suprema, napatunayang maraming butas ang kasong isinampa ng PNP laban sa mga akusado. Partikular na tinukoy ng mga mahistrado ang anila’y ‘di ­kapani-paniwalang kwento at ang mga diumano’y ebidensyang nasamsam ng mga operatiba.

Kung susuriing maigi ang mga testimonya ng mga pulis sa tuwing maghahain ng kaso, ­mistulang xerox copy lang ang kanilang kwento.

Nakaligtaan yata ng mga unipormado – ­hindi bobo ang mga nakaupo sa husgado. Sila’y pawang abogadong may matalas at mapanuring mata sa bawat detalye ng dinidinig na kaso.

Bagama’t magandang balita ang parehas na paglilitis ng korte sa mga asuntong droga, nakalulungkot isiping masyadong mahaba ang proseso bago pa lumabas ang totoo. Sa kaso ng magkakapatid mula sa Pasig City, 15 taon ang kanilang inilagi sa piitan bago pa lumabas ang desisyon at atas na pagpapalaya ng husgado sa mga nagdusang wala naman palang sala.

Isa lang ‘yan sa daan-libong asuntong ­nakabinbin sa iba’t ibang korte sa bansa. Marami na ang tulad nito – 10, 15 o higit pang ­maraming taon sa kasong palsipikado na ang ending – ­dismissal ng kaso kung hindi man wala palang sala.

Ang siste, nagdusa na ang mga akusado. Kinain ng panahon sa loob ng bilangguan ang panahong dapat sila’y naging produktibo, para sa pamilya, sa pamayanan at sa bayan.

Inagaw na rin ng bilangguan ang magandang kinabukasang pangarap nito dahil lang sa maling paratang at palsipikadong asunto.

Isa lang ang tiyak, ang totoong may sala, mapapanagot ng batas kung nasa ayos ang mga asuntong isasampa sa korte at kung tunay ang paratang ng mga operatibang sumakote. Kaso nga lang hindi. ‘Yan ang totoo.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment