PANANATILI NI CAYETANO SA PAGIGING SPEAKER AGAD ANG ISYU

BADILLA NGAYON

HINDI pa man natatapos ang anim na buwan sa pagiging speaker, pananatili agad sa pinakamataas na posisyon sa Kamara del Representantes ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ang itinatambol ng kampo nito sa media.

Naipasa lang sa Kamara noong Oktubre ang hinihingi ng Malakanyang na P4.1 trilyong pambansang badyet para sa 2020 ay pananatili ni Cayetano sa pagiging speaker ng Kamara hanggang Hunyo 30, 2022 agad ang itinutulak ng mga kadikit ni Cayetano, samantalang mayroong mga usapin sa ipinasang badyet na maaaring pagmulan ng korapsyon ng ilang opisyal at miyembro ng Kongreso na pawang matatakaw sa pera.

Labinglimang buwan ang kontrata ni Cayetano, samantalang dalawampu’t isang buwan naman si Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco alinsunod sa kanilang hatian ng termino sa pagka-speaker.

Ngunit, nakapagtatakang walang tigil na tinatanong ng ilang journalists si Cayetano hinggil sa isyu ng ‘pananatili’ niya sa pagiging speaker ng Kamara hanggang matapos ang termino ng kasalukuyang kongresista sa 2022.

Mahigit apat na buwan pa lang si Cayetano sa puwesto, isyu ng speakership na ang iwinawasiwas sa pampublikong opinyon?!

Masama ito!

Mayroon akong naaamoy na ‘mabahong isda.’

Ang mainam na tanong ay bakit P500 milyon ang pondo ng bawat kongresista sa kanilang distrito?

Tandaan, kung pagsasamahin ang pondo nila ni Taguig Rep. Ma. Laarni “Lani” Cayetano, tumataginting na isang bilyon ang mapupunta sa Taguig at Pateros.

Ibig sabihin ba ng P500 milyon, bawat distrito sa buong bansa ay siguradong mayroong 70% “hard project” at 30% “soft project”?

Napakaraming tanong hinggil sa P4.1 trilyong badyet (badyet pa lang at hindi pa kasama ang iba pang panukalang batas), ngunit pananatili ni Cayetano ang madalas maging ‘tampok’ at ‘mainit’ na balita.

Ang matindi, pati sina Pangulong Rodrigo Duterte at tagapagsalita nitong si Atty. Salvador Panelo ay pinagsasalita na rin sa isyu.

Kawawang mahal kong Pilipinas!

oOo

Tumawag o mag-text sa 09985650271 (Badilla Ngayon / NELSON S. BADILLA)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment