PANDEMYA MUNA BAGO BITAY

FORWARD NOW Ni REP FIDEL NOGRALES

HINIHIMOK natin ang ating mga kapwa mambabatas na tumutok muna kung paano makakatulong ang kongreso upang labanan ang pagkalat ng COVID-19, lalo na sa mga bilangguan sa buong bansa – sa halip na talakayin ang pagbuhay sa parusang bitay.

Huwag sanang malito. Ang inyong lingkod, bilang Vice Chair ng House Committee on Justice, ay sumusuporta sa muling pagpapataw ng parusang kamatayan para sa mga karumal-dumal na krimen.

Gayunpaman, ang buong pwersa ng Kongreso ay dapat nakatuon sa napapanahong usapin o isyung panlipunan na kinakaharap ngayon ng bansa.

Hindi naman lingid sa lahat na suportado natin ang death penalty para sa mga karumaldumal na krimen. Ngunit sa palagay ko kung pag-uusapan natin ang tungkol sa hustisya, pag-usapan na muna natin kung paano pigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa ating mga kulungan.

Maaari nating pag-usapan ang pagbabalik ng parusang kamatayan matapos na magkaroon tayo ng isang katanggap-tanggap na antas ng pagkontrol sa ating nararanasang krisis sa kalusugan.

Huwag nating hayaang sumiklab ang galit ng ating mga kababayan kapag nalaman nilang nakatuon ang ating pansin sa ibang usapin kaysa unahin ang pagtulong sa kanila upang mabuhay.

Tayo po ay paulit-ulit na nananawagan sa gobyerno na palayain ang mga itinuturing na low-risk at mahihinang preso o persons deprived of liberty (PDL’s) upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga siksikang bilangguan sa bansa.

Batay sa pag-aaral, ang Pilipinas ang may pinakamataas na jail occupancy sa buong mundo, kung saan may congestion rate na umaabot sa 534 porsiyento. Sana sa ngayon, ituon muna natin ang lakas at isip natin sa pag-ligtas ng mga buhay. Kahit ang mga preso natin, may karapatang mabuhay.

Nauna nang inihayag ng Department of Interior and Local Government na sa mga sumandaling ito ay nakapagpalaya na sila ng halos 22,000 bilanggo mula sa 470 jail facilities na pinamamahalaan ng Bureau of Jail Management and Pe­nology.

Dahil sa ulat na ‘yan, tayo’y nabuhayan ng pag-asa na sana’y marami pang susunod, at umaasang maipatutupad ang iba pang mga hakbang upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga PDL pati na rin ang mga tauhan ng bilangguan.

Mga bilanggo man ay tao rin na dapat pangalagaan ang kalusugan at buhay.

Mas lalo na ang mga nasa laya o nasa labas, dapat walang sinasayang na sandali ang buong pwersa ng pamahalaan sa pagsugpo ng pandemya para sa kaligtasan ng lahat.
Ang bitay, makakapag-hintay. Ang buhay, hindi.

70

Related posts

Leave a Comment