PANINIGARILYO AT VAPING, IPINAGBABAWAL NA SA MERALCO

Sa Ganang Akin

BILANG suporta sa ipinatutupad ng ating pamahalaan na Executive Order no. 26 – Providing for the Establishment of Smoke-Free Environments in Public and Enclosed Places at Executive Order no. 106 na nagbaba­wal sa paggamit ng vape at e-cigarette, ipinagbabawal na rin ng Manila Electric Company (Meralco) ang paninigarilyo at paggamit ng vape at e-cigarette sa anumang pasilidad at opisina nito.

Ipinatupad ang nasabing direktiba nitong ika-1 ng Marso. Imposibleng hindi mapansin ang nakapaskil na mga tarpaulin sa loob ng kumpanya na nagpapaalalang bawal na ang paninigarilyo sa Meralco. Ang hakbang na ito ay ipinatupad kahanay ng adbokasiya nito sa sustainability.

Upang matulungan ang mga empleyadong nagnanais na huminto sa paninigarilyo, mayroon ding inaalok na Smoking Cessation Program ang Meralco. Ang programang ito ay pinangangasiwaan ng mga doktor sa Corporate Wellness Center ng kumpanya.

Noong nakaraang taon ay inilunsad ng Meralco ang Sustainability Office nito na pina­ngunahan at itinatag ni Meralco President and CEO Atty. Ray C. Espinosa. Aniya, ang smoking ban ay naaangkop na hakbang sa patuloy na pagtutulak ng kumpanya sa adbokasiya nito ukol sa sustainability.

Hindi naman lingid sa kaalaman nating lahat na maraming masamang epekto sa ating pangangatawan ang paninigarilyo. Ayon sa World Health Organization (WHO), ang paninigarilyo ay maa­aring magdulot ng iba’t ibang uri ng cardiovascular disease gaya ng bronchopulmonary cancer, chronic bronchitis, ­emphysema, at ischemic heart disease.

Ayon kay Atty. Espinosa, dapat ay isaalang-ala natin sa lahat ng oras ang ating planeta at ang sangkatauhan. Iyan ang kahalagahan nang pagtutulak ng sustainability hindi lamang sa Meralco kundi pati sa buong bansa. Bukod sa masamang epekto ng paninigarilyo sa kalusugan, kailangan ding alalahanin ang masamang epekto nito sa ating kapaligiran.

Ayon sa WHO, bukod sa epekto sa kalusugan nang paglanghap ng usok mula sa environmental tobacco na maaaring maging sanhi ng lung cancer, cardiovascular at pulmonary disease, naglalabas din ito ng 2.6 milyong ­tonelada ng carbon dioxide at 5.2 milyong tonelada ng ­methane. Ang upos ng si­garilyo o tinatawag na cigarette butt ay isa sa mga karaniwang itinatapong basura sa buong mundo.

Upang maging matagumpay ang pagkamit natin sa sustainability para sa ating bansa, ­napakahalaga nang pagtutulungan ng pribadong sektor at ng pamahalaan. Mahalagang magkatugma ang mga ­adhikain nito para sa bansa.

Hinihikayat ko ang iba pang mga pribadong kumpanya na sundan ang halimbawa ng Meralco. Makiisa tayo sa adhikain ng pamahalaan upang masiguro ang pagkakaroon ng malinis na kapaligiran, maayos na kalusugan, at maliwanag na kinabukasan para sa atin at sa mga susunod na henerasyon. JOE ZALDARRIAGA

 

63

Related posts

Leave a Comment