PBA ‘di magpapatalo sa COVID-19

ANUMAN ang kapalarang naghihintay sa naudlot na PBA ­Governors’ Cup ay malalaman sa isang pagpupulong ng Board of Governors sa darating na linggo.

Nalaman ng SALA SA INIT… SALA SA LAMIG kay PBA Commissioner Willie Marcial, ang naturang pulong ay pamumunuan ni chair Ricky Vargas ng Talk ‘N Text.

“Magpupulong ang board either sa Lunes o Martes para pag-usapan kung ano ang dapat gawin, kung saan patungo ang PBA,” ani Marcial sa aming panayam. “Itutuloy ba natin o hindi? Anong gagawin natin sa imports, anong gagawin natin sa players?”

Isa ang tinitiyak ng kauna-unahang liga propesyunal sa Pilipinas at Asya, hindi ito magpapatalo sa COVID-19.

“Ang PBA, alam nating lahat na isa sa iilang sports and entertainment show na nagbibigay aliw at kasiyahan sa ating mga kababayan. Minsan pa nating napatunayan ito nang unti-unting magbalikan ang fans, na nagsimula sa 1,500 hanggang umabot na sa more or less 5,000 noong Christmas offering natin noong December 25 sa Smart Araneta Coliseum,” paliwanag ni Kume.

Ngunit sa muling pagsipa ng COVID cases sa bansa, walang magawa ang liga kundi pansamantalang itigil ang mga laro sa 2021 season-ending reinforced conference matapos na muling isailalim ang National Capital Region sa mas mahigpit na Alert Level 3.

Siyempre pa, ikinalungkot ng maraming tagasunod ng PBA, lalo ang teams, players, coaches at game officials ang muling pagkabalam ng mga laro.

Sa kabila nito, ipinahayag ni Marcial na malaki ang pag-asang mapabilis ang pagbabalik ng Governors’ Cup matapos itong iendorso mismo ni Games and Amusements Board Chairman Abraham “Baham” Mitra sa Inter-Agency Task Force (IATF).

“Nag-endorse na sila (GAB) ng letter sa IATF na payagan na tayong maglaro. So, nagpasalamat ako sa kanya (Mitra) dahil malaking bagay sa atin yun, para lamang patunayan sa ating fans na handa na tayong mag-move-on at makabalik sa lalong madaling panahon,” sambit ni Kume.

Dagdag niya, kung sakaling hindi pa rin lumuwag ang COVID restrictions ay maaari naman bumalik ang liga sa ‘bubble format’ sa labas ng Metro Manila, tulad nang ginawa noong nakalipas na dalawang season ng All-Filipino Cup sa Clark at Bacoor sa Pampanga.

“Malamang pag-uusapan yan next week sa meeting,” pagtitiyak ni Marcial.

Sa kasalukuyan, hindi pa rin pinahihintulutan ang pagsasagawa ng full team practice ng 12 koponang miyembro ng liga at ­nananatiling limitado ang ensayo sa maliliit na grupo na hanggang pito katao lang– apat na manlalaro, coach, safety officer at utility personnel.

Umaasa naman si Kume na tuluyang huhupa na ang COVID cases sa bansa para unti-unting bumalik sa normal ang lahat.

“Mas malaki ang pag-asang mag-resume tayo kung bababa na ang surge. Mahirap kasi, gusto nating ituloy ang mga laro, ngunit mas mahalaga ang kaligtasan at kalusugan ng teams, staff, at maging ng fans,” pagtatapos ni Marcial.

Related posts

Leave a Comment