PHILCO HUMAN RESOURCES, TINATAWAGAN NG PANSIN

AKO OFW

Isang sumbong ang aking natanggap sa pamamagitan ni Ako OFW Bukidnon Chapter President Anna Mahinay.

Ang sulat ay mula kay Raquel Arabe na isang OFW mula sa Jeddah Saudi Arabia. Siya ay nakarating sa Jeddah, K.S.A. noong February 15 sa pamamagitan ng PHILCO Human Resources Services Corp.

Diumano, si OFW Arabe ay minamaltrato ng kanyang amo at sa katunayan ay tatlong beses na ikinulong sa kwarto. Dahil sa mga pagmamaltrato na kanyang nararanasan, ay tuluyan nang nanghihina ang kanyang katawan at tuluyan nang nagkasakit.

Ngunit kahit alam ng kanyang amo ang kanyang karamdaman ay maski minsan ay hindi siya dinala sa klinika para maipagamot at wala ring gamot na ibinibigay sa kanya. Ayon kay OFW Arabe ay hirap na siyang makalakad at tumayo.

Kamakailan ay hinatid siya ng kanyang amo sa airport. Akala ni OFW Arabe ay tuluyan na siyang makakauwi sa Pilipinas, ngunit, ito pala ay isa na namang dagdag parusa sa kanya, dahil iniwan lamang siya ng employer sa airport at wala man lang ibinigay na airfare ticket.

Ang masaklap pa nito ay kinasuhan pa siya ng kanyang employer ng “absconding” o pagtakas gayung ang katotohanan ay ang kanyang amo mismo ang naghatid sa kanya sa airport.

Labis-labis ang pakiusap ni OFW Arabe sa kanyang ahensya na PHILCO Human Resources Services Corp. na kung maaari ay agad siyang matulungan. Samantala, akin ding agad na ipinaalam ang kanyang sitwasyon sa ating OWWA Welfare officer na si Yolanda Penaranda upang siya ay matulungan at masiguro na nasa mabuti siyang kalagayan.

Samantala, nakikiusap din si OFW Jennifer Lorenzo sa kanyang ahensya na SAMAREC upang tulungan siya na makaalis sa kanyang amo. Diumano ay hirap na hirap siya sa kanyang sitwasyon dahil diumano ay napakalaki ng bahay na kanyang pinaglilingkuran at mag-isa lamang siyang naglilinis nito at idagdag pa ang pitong katao ang dapat niyang paglingkuran.

Masyado ring mapanakit diumano ang kanyang employer na sa kanyang kaunting pagkakamali ay agad siyang hinahampas sa kanyang balikat. Nakikiusap ang Ako OFW sa SAMAREC na kung maaari ay kumustahin ang tunay na kalagayan ni OFW Lorenzo. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment