PINAKAMATATAG NA TAO SA MUNDO AY PILIPINO

0

BAGAMAT nasa 62% daw ng mga Pinoy ang naghirap dahil sa pandemyang dulot ng Covid-19 sa buong mundo, nananatili pa ring matibay ang paniniwala ng ­marami na lilipas din ang ­matinding pagsubok na ito sa ­ating buhay.

Sa resulta ng survey ng Social Weather Station o SWS, halos 70% daw kasi na mga Pilipino ang may paniniwala na malalagpasan natin ang kahirapang dulot ng Covid-19.

Sa nabanggit din na survey na isinagawa kamakailan, pito sa sampung mga Pilipino ang naniniwalang tapos na ang pinakamalalang yugto na naranasan na krisis dulot ng kasalukuyang pandemya.

Ibig sabihin, mas marami ng mga Pinoy sa kasalukuyan ang naniniwalang tapos na ang kanilang pinakamatinding kahirapan na dinanas nitong nakalipas na 2020.

Ang Metro Manila na siyang sentro talaga ng pandemya ay nakapagtala ng positibong pananaw sa pandemya matapos maitala ang 78 porsiyento. Sinundan ng Luzon na may 69%, Visayas 67% at ­Mindanao 65%.

Ang survey na ito ay isinagawa bago pa man ang pagdami ng ­Covid-19 cases pagkatapos ng holiday season.

At kalaunan ay pumasok na ang mas nakahahawang UK ­variant.

Kahit ano pa man yang pagsubok na yan ay nananatiling matatag ang lahi ni Juan dela Cruz.

Ika nga ng mga nakararami sanay na sila sa kahirapan kaya kahit anong pagsubok ay kaya nilang malagpasan.

Mapalad tayong mga Pinoy na mayroon tayong pananaw na ganyan na matatag sa lahat ng mga pagsubok.

Hindi tayo katulad ng ibang lahi na kapag may mabigat na problema ay kinikitil ang kanilang buhay para lang matapos ang dinadanas na kahirapan.

Mayroon ding ilan na mga Pinoy ang bumibigay sa kahirapan pero mabibilang lamang sa daliri hindi katulad ng ibang lahi na talagang marami ang nagpapakamatay.

Ang dinanas nating kahirapan na dulot ng Covid-19 ay magsisilbing aral sa atin.

May mga dulot itong negatibo at positibo sa ating buhay.

Ang negatibo ay maysisilbing gabay natin para sa mga susunod na may ganitong sitwasyon ay hindi na tayo nangangapa.

Halimbawa na lamang sa kapaligiran, medyo nakapahinga tayo sa polusyon na dulot ng mga usok mula sa mga sasakyan at pabrika.

Marami rin ang nabawas sa mga basura na nagmumula sa mga pabrika at iba pang pagawaan.

Maraming mga sasakyan ang hindi nakabiyahe dahil sa ipinatupad na lockdown sa mga nakalipas na buwan.

Karamihan din sa mga manggagawa ay hindi nakapasok sa kani-kanilang mga trabaho, kaya marami rin ang tumigil sa kani-kanilang operasyon na mga pagawaan at mga opisina.

Kaya ayun bawas basura, pero bawas kita naman sa mga manggagawa.

Ganun din sa mga sasakyan, bawas polusyon mula sa usok, wala naman kita sa mga driver.

Kaya ngayon, nasa gobyerno na kung paano nila maibabalik sa tinatawag na “new normal” ang pamumuhay ng mga Pinoy.

Magsimula uli tayo sa pamamagitan ng mabuting pamamaraan na hindi makakaapekto sa taumbayan kundi kung ano ang makabubuti sa ating lahat lalo na sa mata ng ating Panginoon.

Pwede tayo magsimula ng maayos ang mga sasakyan na hindi mausok at ang pagbubukas ng mga pabrika at pagawaan na hindi makapagdudulot ng polusyon sa kapaligiran.

At tuluyan na rin sanang maayos ang transportasyon na hindi katulad dati na ang mga pasahero ng MRT at LRT ay nag-aagawan at nagsisikan na kadalasan ang kawawa ay ang kababaihan at ­senior citizens.

Magkaroon po tayo ng malasakit para sa nag-iisa nating tirahan na mundo.

‘Wag po natin sirain ang ating tahanan at i-respeto natin ang ating kapwa nang sa gayun mapayapa tayong naninirahan sa mundo.

Marahil ang pagdating ng ­Covid-19 sa mundo ay pagsubok ito ng ating Panginoon kung hanggang saan ang ating pagiging matatag.

Marahil nakita rin ng mga kinauukulan kung ano ang naging aral sa atin ng Covid-19 pendemic.

Nasa inyo na po ang bola, kung paano nyo patatakbuhin ang Pilipinas sa tinatawag na “new normal”.

Sa Oktubre na po ang filing certificate of candidacy ng mga tatakbo sa 2022 presidential at local elections pumili po tayo ng may malasakit sa ating kapwa at may matakot sa Panginoon.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

Related posts

Leave a Comment