POLITICAL DYNASTIES MASAMA SA KABUHAYAN

USAPANG KABUHAYAN

TUWANG-TUWA ang marami sa naging resulta ng nakaraang eleksyon ay ang pagkatalo ng mga kandidato na galing sa mga pamilya na matagal nang nagpapasahan ng mga pwesto tuwing matatapos na ang term limits ng isa sa mga bago at may modernong kaisipan na mga kandidato.

Pero ang hindi alam ng marami ay kahit na nakita natin na may mga ganitong kaso sa iilang lugar sa Pilipinas, karamihan pa rin ng mga probinsya at iba pang lokal na pamahalaan sa bansa at maging mga pwesto sa Kamara ay napanalunan ng mga kandidato na galing sa mga political dynasties.

Hindi pa pinal ang resulta na nakuha natin habang sinusulat natin ito kung ilan ang nahalal nitong nakaraang Lunes na galing sa mga political dynasties, pero kung pagbabasehan natin ang maraming eleksyon na dinaanan natin simula noong 1995 nang unang mag-umpisa ang mga term limits at siguradong karamihan o mahigit kalahati ng halal na opisyal ay galing sa mga political dynasties.

Ayon sa pag-aaral, mas maraming miyembro ng isang pamilya na may hawak ng mga inihahalal na posisyon sa mga lokal na pamahalaan ay mas malaki ang insidente ng kahirapan sa mga nakatira sa mga probinsyang ‘yun. Ito kasi ay dahil sa mas gusto ng mga miyembro ng mga political dynasties na mas marami ang mahirap sa kanilang mga lugar para mas madaling bilhin ang boto ng mga botante.

Sa pag-aaral, ang average na antas ng kahirapan sa isang probinsya na pinamumunuan ng mga political dynasties ay halos 30 porsyento ng mga nakatira roon, samantalang doon sa mga lugar na hindi pinamumunuan ng mga dynasties ay mga 18 porsyento lang ng residente ang mahirap.

Hindi kasi naipapatupad ang probisyon sa ating Saligang Batas na nagbabawal sa mga political dynasties dahil ipinilit ng miyembro ng 1986 Constitutional Commission na si Christian Monsod na dapat ay magkaroon ng batas para ipatupad ang probisyon na ito. Eh sino bang miyembro ng Kongreso ang magpapasa ng batas na ipagbabawal ang kamag-anak niya na palitan siya sa kanyang pwesto?

Ang gusto kasi ni Dr. Wilfrido Villacorta nang dinebate n’ya si Monsod nang isinusulat nila ang 1987 Constitution ay huwag nang hayaan pa sa Kongreso ang gumawa ng batas para ipagbawal ang mga political dynasties. Pero dahil ang tingin kay Monsod ay malapit sa pangulo noon na si Cory Aquino, ang gusto n’ya ang nanalo nang pagbotohan ng Constitutional Commission ang isyu. Kaya kung galit kayo sa political dynasties, sisihin n’yo si Christian Monsod. (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)

88

Related posts

Leave a Comment