Posible pang lumobo ang bilang ng pambansang delegasyon sa XXXII Olympics

0

SA opisyal na listahan ang Pilipinas sa kasalukuyan ay may apat pa lamang na atletang makalalahok sa darating na XXXII Games of the Olympics na ­gaganapin sa Tokyo sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8. Ito ay sina Eumir Marcial at Irish Magno ng boxing, Carlos Yulo ng gymnastics, at pole vaulter Ernest John Obiena ng athletics.

Ang weightlifter na si Hidilyn Diaz at ang golfer na si Yuka Saso ay hindi pa opisyal na nakakuha ng tiket papuntang Tokyo. Subalit sa ­darating na Abril at Hunyo, ang pangalan ng dalawang Pilipinong ito ay tiyak na mapapasama na sa lilipad sa nasabing premyadong Lungsod ng Hapon para ­makipagtagisan ng talino, lakas at kakayahan laban sa iba pang kinatawan mula sa ibang bansa sa kani-kanilang sport.

Si Diaz, silver medalist sa 53-kilogram event ng weightlifting noong 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil ay lalahok sa Asian Weightlifting Championships sa Abril 15-25 sa Tashkent Uzbekistan. Ang torneong ito ang magsisilbing huling Olympic Qualifier.

Kailangan lamang ng 29-anyos na si Hidilyn na pumaroon sa Tashkent at bumuhat ng barbell at presto! Mapapasakanya na ang isang upunan sa Tokyo Games, kung saan may pagkakataon siyang maiuwi ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa 97 taon nitong paglahok sa tuwing ikaapat na taong palaro na tinatawag ding “Greatest Sports Show on Earth.”

Unang lumahok ang bansa sa Olimpiyada noong 1924 sa VIII Games of the Olympics Paris at mula noon ay tatlong silver medals pa lamang ang napananalunan ng ating bansa. Ang isa ay handog ni Anthony Villanueva noong 1964 mula sa Tokyo, pangalawa mula kay Manasueto “Onyok” Velasco sa 1996 Atlanta, at ang huli ay buhat kay Hidilyn sa Rio Olympics.

Opo, hindi na kailangan ni Hidilyn na manalo ng kahit anong kulay na medalya (ginto, pilak o tanso) para muling iwagayway ang ating pula-puti at asul na bandila sa Qualifier at umuwing dala ang karapatang makalahok muli sa Olimpiyada, pang-apat na niya mula noong 2008 kung saan ay nakakuha siya ng wild card sa edad na 19 anyos.

Ito ay dahil sa bisa ng kautusan ng World Weightlifting Federation na nagsasaad para sa isang kalahok na lumaban sa anim na kompetisyong internasyonal upang makaipon ng kinakailangang puntos patungo sa Olimpiyada. At nakaka-limang kompetisyon na si Diaz, na pangalawa na sa pandaigdig na ranggo sa 55-kilogram division.

Si Saso, kilalang malakas pumalo sa golf women’s division, ay kasalukuyang ika-21 na ang ranggo sa kanyang kategorya at kailangan na lamang panatilihin ito upang opisyal na makamit ang tiket patungong Japan, gaya ni Hidilyn.

Si Nesthy Petecio, ang pandaigdig na kampeon sa featherweight sa amatyur, ay hindi pa nakatitiyak sa kanyang pangarap na ­maging Olympian bagama’t nasa pangalawang ranggo siya sa mundo.

Kung idaragdag ang tatlong ito sa listahan ng mga posibleng makarating sa Tokyo, lalabas na hindi kukulangin sa pitong atleta na ang kakatawan sa atin sa 32nd edisyon ng Olympics. Posible pang maging mahigit sa sampu kung bibilangin ang walo pang kandidato sa boksing pa lamang.

Nakatakdang idepensa ng 28-anyos na Davaoena ang kanyang titulo sa ­darating na International Amateur Boxing Association (AIBA) Championships sa Mayo o Hunyo kung saan ay hindi niya kailangang manalo ng gintong medalya.

Ayon kay Petecio at kanyang coach na si Nolito “Boy,” makapag-uwi lamang siya ng medalyang tanso sa kanyang leeg ay sapat na para siya makasama nina Eumir Marcial at Irish Magno sa Tokyo.

Kasama ring magtatangkang magkuwalipika sa ­Olimpiyada sina Carlo ­Paalam, Marvin Tabamo, John Paul Panuayan, Mario Fernandez, Marjon Pianar, Aira Villegas, at dating world champion Josie Gabuco. Lahat sila ay kasalukuyang nasa Inspire Sports Academy sa Calamba, sa training camp bubble na inisiyatibo ng ­Philippine Sports Commission.

Idagdag pa rito ang taekwondo jins na sina Kirstie Elaine Alora, Kurt Barbosa, Aren Alcantara, Joseph Chua, Samuel Morrison, Jessica Canabal, ilang karateka at iba pang atletang nasa ­training bubble din, tiyak na lolobo ang bilang ng ating pambansang delegasyon sa darating na Olimpiyada.

May kasabihan ang mga Kano: “The more the merrier.” Kaya, “why not go for it and be happy!” Kahit pa nga huli na ang bubble na ito kumpara sa mas maagang nagsimulang mag-ensayo na mga atletang sa ibang bansa na sasabak din sa Tokyo Olympics.

Related posts

Leave a Comment