PRAYORIDAD SA HARAP NG PANIBAGONG BANTA

0

KASABAY ng pagpasok ng buwan ng Kapaskuhan, natanaw ang pag-asang matatapos na ang lintek na pandemya, batay na rin sa datos ng patuloy na pagbaba ng bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa – isang indikasyon ng pagbangon at pagsigla ng ekonomiyang nalumpo bunsod ng mga paghihigpit ng gobyerno.

Kung tutuusin, isang magandang balita naman ang pagbuti ng kalagayan ng bansa sa aspeto ng mga naitatalang arawang kaso. Gayunpaman, lubhang nakababahala ay ang pagsulpot na naman ng panibagong mutated strain na ayon sa mga eksperto’y 500 ulit na mas mabagsik kumpara sa kinatakutang Delta variant.

Sa babala ng World Health Organization (WHO), maraming bansa ang piniling magsiguro at agad na isinara ang entrada sa mga dayuhan. Pero sa Pilipinas, bahagya lamang ang ginawang pagtugon – tanging mga bansang nakapagtala ng Omicron virus ang bawal muna pumasok.

Batay sa datos ng Department of Health (DOH), patuloy ang pagbaba ng COVID-19 cases sa nakaraang mga araw. Katunayan, mas mababa na sa 1,000 kada araw ang bilang ng mga nagpopositibo.

Tama rin marahil na isiping nagtatagumpay na ang mga Pilipino laban sa lintek na pandemya.

‘Yan mismo ang dahilan kung bakit higit na kailangang maging segurista. Walang may gustong muling malugmok dahil lamang naging kampante tayo.

Posible rin naman kasing tama ang mga ­ekspertong naglabas ng babala kaugnay ng bagsik ng Omicron variant. Ayon pa sa kanila, higit na mainam kung mananatili ang ibayong pag-iingat, bagay na dapat pangunahan ng ating pamahalaan.

Ang siste, inuna pang pag-usapan ang posibilidad sa pagbabalik ng polisiyang mandatory use ng face shields na ngayon ay higit na kilalang simbolo ng katiwalian. Inuna pa nilang paghandaan ang halalan sa susunod na taon kaysa nakaambang panganib na maaaring dumating ano mang oras. Inuna pa nila ang pagpukol ng putik sa mga kalaban.

Nasaan ang malasakit? Parang wala naman sa kanilang talaan. Nakalulungkot isiping hindi na yata tayo natuto sa nakaraan. Ang pagiging kampante ang mismong dahilan kung bakit paulit-ulit lang ang sadlak-dusang ating kinalalagyan.

Ang totoo, hindi sapat ang bakuna para labanan ang pandemya.

Higit na kailangan ang isang ­komprehensibong programang magbibigay katiyakang buhay pa ang mga botante pagsapit ng ­halalang kanilang inuuna pang paghandaan.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment