PRESYO NG PRODUKTONG PETROLYO, PATULOY SA PAGTAAS

TILA hindi na makontrol ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa. Umabot na sa P5 hanggang P7 ang itinaas nito kada litro nitong nakaraang pitong linggo. Kamakailan, ang gasolina ay tumaas ng P1.30 kada litro, P1.45 kada litro ang kerosene, at P1.50 kada litro naman ang itinaas ng diesel.

Ayon kay Department of Energy Oil Industry ­Management Bureau Director Atty. Rino Abad, magpapatuloy ito sa pagtaas sa mga susunod na linggo. Bunsod nito, umalma ang mga grupo ng operator at mga drayber ng pang-publikong transportasyon na ­nagresulta sa pagsusumite ng petisyon upang magkaroon ng dagdag-pasahe. Hiling ng mga ito na itaas sa P12 ang presyo ng pamasahe mula sa P9 na kasalukuyang presyo nito. Hindi naman ito inaprubahan ni Transportation Secretary Arthur Tugade.

Bilang tugon sa pana­wagan ng mga drayber at operator, pinag-aaralan ng mga ahensya ng pamahalaan ang muling pamamahagi ng subsidiya sa mga ito. Ayon kay Land Transportation ­Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Executive Director Joel Bolano, sila ay nakikipag-ugnayan sa Department of Energy (DOE) ukol sa usapin.

Ang krisis na ito ay hindi lamang sa Pilipinas nangyayari. Ito ay nararanasan maging ng mga malalaking bansa gaya ng China, India, at mga bansa sa Europa. Ito ay resulta ng kakulangan sa supply ng langis na krudo sa pandaigdigang merkado. Inaasahang magpapatuloy ito sa pagtaas hanggang sa katapusan ng taon at magsisimula lamang humupa sa unang quarter ng taong 2022.

Nagbigay naman ng mga mungkahi si Laban Konsyumer Inc. (LKI) President Atty. Vic Dimagiba kung paano maaaring labanan ang epekto ng krisis na ito. Maaaring pansamantalang suspindihin ang pagpataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo sa bisa ng Presidential Proclamation No. 1218 sa loob ng dalawang linggo. Ito ay maaaring patuloy na ipatupad hanggang sa bumalik sa normal ang ­presyo ng mga produktong petrolyo.

Makatutulong din ang pagpapatupad ng price freeze sa mga produktong pangunahing panganga­ilangan ng mga mamamayan. Bahagi rin ng mungkahi ng LKI ang pagsasagawa ng imbes­tigasyon at audit ng pamahalaan upang alamin kung ang mga kompanya ng langis, trader, at mga nag-aangkat nito ay nagbabayad ng tamang halaga ng buwis.

Kung ang mga mayayamang bansa ay hindi ligtas sa epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado, ito ay nangangahulugan na mas lalo itong dapat paghandaan ng iba pang bansa gaya ng Pilipinas. Kung ating iisipin, tila ­maswerte ang Pilipinas dahil hindi tayo nakararanas ng malawakan at matagalang brownout na gaya ng nararanasan ng mga mamamayan ng India at China. Hindi rin tayo nakararanas ng hanggang 200% na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo na gaya ng nararanasan sa UK. Nawa’y huwag na tayo humantong sa puntong iyon lalo na’t tayo ay nasa kalagitnaan ng laban kontra sa pandemyang COVID-19.

133

Related posts

Leave a Comment