R.A. NO. 11524 O ANG CFITF MALAKING TULONG SA 2.5-M COCONUT FARMERS

0

PANAHON na para naman umangat kahit bahagya ang kabuhayan ng may 2.5 milyong magsasaka ng niyog sa buong bansa.

Ang mga niyugan sa bansa ay mula Laguna, Batangas, ­Quezon at Bicol region na pawang bahagi ng Luzon. Sa Visayas ay sa Iloilo, Negros, Cebu, Leyte at Samar. Sa Mindanao naman ay mula sa Surigao hanggang sa isla ng Tawi-Tawi.

Ang mga nabanggit kong lugar, karamihan ng mga kababayan natin doon ay mula sa puno ng niyog ang ikinabubuhay. Kung tawagin nga nila ang puno ng niyog ay “tree of life”.

Bakit nga ba tinawag na “tree of life” ang puno ng niyog?

Dahil wala halos maitatalon sa punong ito mula sa kanyang ugat, balat, dahon, bunga, bulaklak at maging sa kaniyang katas.

Pero sa kabila ng ­napakaraming produkto na nagmumula dito ay nananatiling hikahos ang mga nagsasaka nito.

Matagal kasing napabayaan ng gobyerno ang mga magsasaka ng niyog sa bansa.

Bukod sa napagkaitan sila ng ayuda mula sa gobyerno ay napagsasamantalahan pa sila ng mga negosyante.

Kontrolado kasi ng mga ­negosyante ang presyo ng copra na nagmumula sa niyog.

Nakapako sa napakababang presyo na mula P6 hanggang P20 ang bawat kilo ng copra sa mga nakalipas na dekada.

Base sa pagssasaliksik ng PUNA napakaraming nagagawa ng copra. Nariyan na ang candies, mantika, pabango, sabon at marami pang iba.

Subalit sa kabila ng napakaraming pakinabang mula sa punong ito ay nananatiling naghihirap ang mga kababayan natin sa lugar na nagtatanim ng niyog.

Kaya sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay naniniwala ang mga magniniyog na makakahinga na sila ng kaunti mula sa matagal na paninikil ng mga negosyante at kapabayaan na rin ng gobyerno sa mga nakalipas na panahon.

Umaasa sila na sa pamamagitan ng pagpirma ni Pangulong Duterte sa Republic Act No. 11524 o ang Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act (CFITF) noong Pebrero 26, 2021 ay matutulungan na sila ng gobyerno.

Ito ay sa pamamagitan ng mga programa na makatutulong sa mga magsasaka ng niyog kung papaano nila mapapalago ang kanilang taniman bukod pa sa ibibigay na ayuda para sa ­karagdagan nilang kita.

Sa ilalim ng batas na ito ay binibigyan ng kapangyarihan ang Philippine Coconut Authority (PCA) na bumuo at magpatupad ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP).

Ang pinangangambahan lang ng marami dahil halos isang taon na lamang mananatili sa pwesto si Pangulong Duterte, baka ang pumalit sa kanya ay hindi ipagpatuloy ang kanyang nasimulan na mga programa.

Kaya ang PUNA na mismo ang nakikiusap sa ating mga kababayan na ang piliin nating iluklok sa 2022 presidential elections ay ang alam nating magpapatuloy ng mga nasimulan ni Pangulong Duterte na mga proyekto na ­kapakipakinabang sa ­sambayanang Pilipino.

Sayang kasi na tuwing magbabago ng administrasyon ay ­laging nag-uumpisa sa bago ang mga proyekto at ang mga proyektong sinimulan ng kanilang sinundan na administrasyon ay hindi na nila ipinagpapatuloy.

Kung magkaganun ay hindi uunlad ang Inang Bayan.

Sana maalis ang sobrang pamumulitika sa ating bansa.

Sa panahon lang sana ng kampanya at hanggang sa botohan lang tayo magpalitan ng maaanghang na salita at pagkatapos nito ay magtulungan na tayo para sa ikabubuti nating lahat.

Dapat tiyakin din ng Commission on Elections (Comelec) na ang hinahawakan nilang eleksyon ay may kridibilidad at kapanipaniwala.

Nang sa gayun ay maging mapapayapa ang nag-iisa nating bansa.

Hindi ba kayo naiinggit sa mga kalapit nating mga bansa sa Asya na napag-iiwanan na tayo?

Minsan mag-ambag naman tayo para sa ikauunlad ng ating kapwa at sa ating bansa.

Nag-iisa lang bansa natin, kaya magtulungan tayo para sa ikabubuti nating mga Pinoy.

Wala pa tayong pwedeng puntahan na ibang planeta para dun lumipat at manirahan.

Ibinigay sa atin ng Panginoon ang Pilipinas kaya pangalagaan natin ito at mahalin natin ang ating kapwa.

Salamat kay Pangulong Rodrigo Duterte na may ­dumating nang bakuna, Mabuhay ang Pilipinas!

oOo

Para sa suhestiyon at ­reaksyon mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at ­operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment