SA TULONG NG PUNA: LABORERS NG CHINESE CONTRACTOR INAYUDAHAN NI TAYTAY MAYOR GACULA

PUNA Ni JOEL AMONGO

BAGAMAT hindi nakaharap ng PUNA at nang kasama nating walong (8) laborers ng Quingdao Municipal Construction Group Co. Ltd noong Lunes (July 27) ay nag-iwan naman si Taytay Mayor Joric Gacula ng ayuda para sa mga kinawawang manggagawa ng kumpanya.

Kahit paano ay may pamatid gutom ang lahi ni Juan. Ika nga nila may pambili na sila ng bigas at ulam habang nananatili sa kanilang barracks na matatagpuan sa B68 Ph3, Brgy. San Juan, San Lorenzo Ruiz, Taytay, Rizal.

Pero ang problema ngayon, nang malaman ni Mr. Li Fun Fei, project manager ng kumpanya na sila ay nagreklamo, sa halip na tu lungan ang kanyang mga tao ay lalo pa itong nagngitngit sa galit at gustong manakit?

Pilit pang pinaaalis ng tsekwang ito ang mga kawawang manggagawa at mukhang malabo pang ibigay ang kanilang mga benepisyo.

Kabilang sana sa inaasahan nilang benepisyo ay ang separation pay, allowance, 13th month at iba pa.

Kaya pinipilit ang mga manggagawang ito na pumirma ng dalawang pahinang papel na ang nakasulat ay nakatanggap na sila ng mga benepisyo. Tusong Tsekwa ito!

Hindi po barya ang kinita ng Quingdao Municipal Construction Group Co. Ltd bilang contractor ng sewerage system mula Taytay hanggang lungsod ng Pasig.

Inabot na ng 1 hanggang 4 na taon nagtatrabaho ang mga kababayan natin sa Chinese contractor na ito. Tapos ganun-ganun na lang kung paalisin sila nang wala man lang makukuha kahit isang singkong duling?

Nauna nang isinulat ng PUNA ang isyung ito matapos na ilapit sa atin ng isang kaibigan na nagmagandang loob sa mga manggagawa.

Sinubukan nating i-text si Mr. Li Fun Fei para maging balanse ang ating pagsulat. Narito ang kanyang sagot: “Sorry Sir/Madam under such special serious conditions of Covid-19 and for safety concerns, I’m strickly not allowed to contact any external person. About tha issue u mentioned about I totally don’t know about that. They never talked and discussed with me face to face and I never talked with with them also. May be there some misunderstand. by the way sir have u seen any document or paper I signed for what the labor mentioned about to prove what they said? But I will check it soon about this issue”.

Dinugo ang ilong natin dahil ‘di pala ito marunong magsalita ng lenguwahe ni Juan.

Sa pananalita niya mukhang may matibay na pader na sinasandalan ito na opisyal sa Pilipinas. Who U?

Dun sa binabanggit nating pader na sinasandalan ng Chinese contractor na ito hindi ba kayo naaawa sa kababayan nating inaapi sa sarili nating bansa?

Kaya tuloy hindi natin maiwasang mag-isip na naibenta na ang Pilipinas sa China at gagawin na raw tayo nilang probinsiya.

Alam nating hindi basta-basta ang Quingdao Municipal Construction Group Co. Ltd. dahil hindi nito makukuha ang kontrata sa sewerage system kung wala itong kapit sa g obyerno.

Ang Quingdao Municipal Group Co. Ltd. ay subcontractor ng Manila Water na pag-aari ng mga Ayala.

Balik po tayo sa ginawang ampaw na pagkakagawa ng contractor na ito. May hawak na tayong mga picture na magpapatunay na hindi maayos na pagkakagawa ng pinagdugtungan ng mga tubo na daluyan ng tubig ulan.

Sinikap din natin na makuha ang panig ng Pilipinong Engr. na si Jess Carino para makuha ang kanyang panig tungkol sa reklamo ng kapwa niyang Pinoy laban sa dayuhang contractor na kanilang pinapasukan subalit hindi siya nag-reply sa atin.

Kaya naman tayo nakipag-ugnayan kay Mayor Joric Gacula ng Taytay  ay hindi lang sana mabigyan ng tulong pinansyal ang mga manggagawa kundi matulungan din kung paano sila makakauwi sa kani-kanilang mga lalawigan.

Sakop kasi ni Mayor Gacula ang kinalalagyan ng barracks ng kumpanya at dun sila gumawa ng sewerage system kaya dun natin idinulog ang problema.

Gayunpaman, nagpapasalamat tayo kay Mayor Gacula dahil kahit papaano ay may pamatid ang mga manggagawa sa inyong ibinigay na tulong pinansyal.

Ang sarap din kasi ng pakiramdaman pag nakakatulong tayo sa ating kapwa.

Ipanawagan na rin po natin itong problema ng mga manggagawa kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na sana matulungan niya na makuha nila ang kanilang mga benepisyo na hindi ibinibigay sa kanila ng Quingdao Municipal Group Co. Ltd.

Sabi nga nila makuha lang nila ang kanilang mga benepisyo ay sila mismo ang kusang aalis sa kanilang barracks.

Ilalapit na rin po natin ang isyung ito sa Bureau of Immigration (BI) at ipabubusisi natin ang status ni Mr. Li Fun Fei sa kanyang pananatili sa Pilipinas.

Ingat po tayong lahat sa Covid-19, God Bless Po at magandang araw sa ating lahat.

oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarionj45@gmail.com.

Related posts

Leave a Comment