SABLAY NA NAMAN

NAG-UUSAP ba talaga ang mga government officials natin o hindi lang nagkakaintindihan dahil natatakpan ng face mask ang kanilang bibig kapag sila ay nagsasalita at may face shield pa sila bilang pagsunod sa protocol sa pagsugpo sa COVID-19.

Ano ba talaga ang napag-usapan at napagkasunduan sa Inter-Agency Task Force (IATF), babawasan ang distansya ng mga tao sa pampasaherong sasakyan o pananatilihin ang isa hanggang metro ang layo ng pasahero sa isa’t-isa?

Nililito nyo ang mga tao eh. Sabi ni Secretary Eduardo Año walang napagkasunduan sa kanilang IATF meeting na bawasan ang distansya ng mga pashero para mas marami ang makasakay.

Sabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III, hindi sya pabor sa pagbabawas ng distansya ng mga pasahero dahil tiyak na marami ang mamamatay sa COVID-19 dahil lalala ang hawahan sa virus na ito na hindi agad niya pinigilan.

Sabi naman ni Presidential Spokesman Harry Roque, nandun na sya nung meeting at wala raw tumutol nang iminungkahi na bawasan ang distansya ng mga tao na rekomendasyon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade.

Kayo-kayo nagkakalituhan kaya ang mga pasahero ay nalilito na rin kung ano ba talaga ang kanilang susundin. Umayos nga kayo dahil lumalala ang anxiety na nararanasan ng mga tao.
Tingin nyo susunod ang tao na bawasan ang distansya lalo na’t hindi bumababa ng 3,000 ang naitatalang bagong covid-19 patients araw-araw? Baka dahil sa ganyang sistema ay lalo lang silang mapapahamak.

Bakit kasi hindi payagang bumiyahe ang lahat ng mga pampasaherong sasakyan lalo na ang jeep? Bakit nililimitahan ang mga biyahe eh nagbukas na kayo ng ekonomiya? Saan sasakay ang mga tao?

Yung ipinagmamalaki ninyong transport system, eh hindi pa nyo ginagawa tapos babawasan nyo na ang mga pampasaherong sasakyan at papalitan nyo ng bagong yunit na tumataob kapag malakas ang hangin?.

Patapos na ang administrasyong ito pero kahit isang proyekto para mapagaan ang buhay ng mga commuters na inilatag nyo sa amin noong magsimula kayo sa pamamahala ay hindi pa namin nakikita.

Hindi pa nga niyo ginagawa ang subway project mula Mindanao ­Avenue sa Quezon City hanggang sa NAIA eh. Wala pa kayong ginawang proyekto para dugtungan ang mga dinatnan nyong MRT at LRT.

Kahit ako suportado ko ang modernisasyon sa transport system. ­Marami ang sumusuporta dyan dahil marami talagang pampasaherong sasakyan na hindi na puwedeng mamasada pero namamasada pa rin sila.

Pero ngayong panahon ng pandemya, baka naman ipagpaliban muna ang modernisasyon na ‘yan dahil ang nabibiktima ay ang milyong-milyong commuters na hindi pa sumisikat ang araw ay nasa lansangan na para makipag-unahan sa iilang sasakyan na pinayagang bumiyahe.

Kung mas maraming sasakyan ang masasakyan ng mga tao, mas epektibo ang social distancing na mahalaga para maiwasan ang hawahan sa virus na in-export ng China sa Pilipinas at sa ibat-ibang panig ng mundo.

Marami nang sablay ang IATF ha. Isa sa mga sablay ay yung barrier daw sa mga motorsiklo at nang sumunod ang mga riders, biglang binawi. Nakakatulog ba sila sa kanilang pagpupulong?

32

Related posts

Leave a Comment