SI DUTERTE NA LANG MAY TIWALA KAY DUQUE BADILLA NGAYON

Badilla Ngayon

HINDI matatanggal si Dr. Francisco Duque III bilang kalihim ng Department of Health (DOH) kahit naglabas ito ng impormasyon tungkol sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na taliwas na taliwas sa pananaw ng mga opisyal ng Malakanyang, lalo na syempre ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kamakailan, sinabi ni Duque, nasa ‘second wave’ na ang Pilipinas sa COVID -19.

Maraming nagulat dito, lalo na mga opisyal sa Malakanyang dahil hindi ganito ang “impormasyon” na natanggap nila kaya naman kaagad iwinasto ni Roque ang maling pahayag ni Duque.

Ngunit, hindi pinagalitan o pinagtaasan man lang ng kilay ni Roque si Duque.

Sa halip, ganito ang banggit ng tagapagsalita ni Duterte sa kalihim ng Department of Health (DOH): “ Alam n’yo po ang medisina, para ring mga abogado ‘yan [kung saan] iisa lang ang batas namin [pero] iba-iba ang interpretasyon. Ganyan din po siguro sa medisina, iisa ang siyensya, iisa ang datos, iba ang basa [ng mga doktor].”

Kahit pumalpak muli si Duque habang nasa gitna ng matinding unos ang bansa, pinagkakatiwalaan pa rin siya ni Duterte.

Sabi nga ni Roque, “Secretary Francisco Duque III serves at the pleasure of the appointing authority, President Rodrigo Roa Duterte, in this challenging time.”

“Secretary Duque will answer allegations in the proper forum but for now let us allow him to do his job during this global health emergency,” patuloy ni Atty. Roque.

Kung tinanggap at pinaniwalaan ni Duterte si Duque, tuwang-tuwa na naman ang mga kriminal sa sistema ng pam publikong kalusugan ng bansa.

Ang isa sa mga tuwang-tuwa ay ang “sindikato” sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth, sapagkat posibleng mayroong ‘fake COVID-19 test’.

Para sa kaalaman ng nakararami, pinuno ng PhilHealth Board of Directors si Duque dahil kalihim siya ng DOH.

Sabi ni Sen. Franklin Drilon sa kanyang kalatas nitong Mayo 21: “This is not the first time we’ve heard of PhilHealth’s incompetence. Remember the ghost patients and fake cataract surgeries? We cannot discount the possibility of fake COVID-19 tests.”

Ayon kay Drilon, naglabas ang PhilHealth ng Circular 2020-0010 nitong Abril 8 na nagsasabing ang PhilHealth ang nagbabayad ng lahat ng serbisyo ng mga ospital at testing laboratories na ang halaga ay umaabot ng P8,150 (kinapapalooban ng screening na P509.06 ang halaga, P799.69 na diagnostic workup, koleksiyon ng specimen na P947.12 ang bayad, transport ng specimen na P451.14 ang halaga at PCR testing sa halagang P5,422.91).

Nadiskubre ni Drilon na ang mga nasabing babayaran o gastusin ng PhilHealth ay pawang “kuwestyonable, sapagkat hindi naman sila kailangan”.

May ibinuyag din si Sen. Leila de Lima na sobrang mahal ng presyo ng personnel protective equipment (PPEs) na inangkat mula sa China kung saan P1,800 kada isa raw ang halaga, samantalang P400 lang ang presyo nito rito sa Pilipinas.

Isinalarawan ni De Lima ang nagaganap na ‘overpricing’ na pagpapatunay na mayroong nagaganap na korapsyon sa DOH.

Labis-labis na nadismaya si De Lima sa nagaganap na korapsyon sa DOH, gayong pangunahing ahensiya ito ng administrasyong Duterte na na-ngunguna sa pagsugpo at paglaban sa mabagsik na COVID-19.

“Amidst a medical crisis of epic proportions, where the survival of the entire nation depends largely on a public health response, it is at the height of shamelessness when the very government agency tasked to steer the health sector is the very entity that has allowed possible corruption to creep through the system,” pahayag ni De Lima sa kanyang kalatas na inilabas nitong Mayo 22.

“Labis na nakapagtataka kung paano ninyo nasisikmurang ipangalandakan sa inyong press briefings ang dami at halaga ng mga supplies at equipment na diumano ay inyong nabili na habang nagmamakaawa at nagsusumamo ang mga medical frontliners natin para sa protective gear,” giit ni De Lima.

Patuloy na nangyayari ang mga kasamaang ito sa PhilHealth, PPEs at iba pa habang hindi pa tuluyang nakontrol ng DOH ang suliranin sa COVID-19.

Patuloy ang kasamaan at kapalpakang nangyayari sa sistema ng pampublikong kalusugan sa panahong si Secretary Francisco Duque III ang pinuno ng DOH, sapagkat napakataas ng tiwala ni Duterte sa kanya.

Noong Abril 15, nagkaisa ang labing-apat na senador sa paglalabas ng Senate Resolution No. 362 na humiling kay Duque na magbitiw sa pagiging kalihim ng DOH dahil sa “failure of leadership, negligence, lack of foresight, and inefficiency in performance”.

Hindi nagbitiw si Duque makaraang inilabas ni Duterte sa media ang kanyang pahayag na pinagkakatiwalaan pa niya ang kalihim.

Kamakailan, naglabas ng maling impormasyon si Duque na maraming nabanas sa kanyang pahayag na mali naman pala, sabi ni Roque.

Tapos, pinagkakatiwalaan pa rin si Duque ni Duterte.

Pokaragat na ‘yan!

Matindi itong si Francico Duque III kung si Pangulong Rodrigo Duterte na lang ang mayroong tiwala sa kanya. NELSON BADILLA

Related posts

Leave a Comment