SPECIAL TASK FORCE SA MGA ABOGADONG BIKTIMA NG KARAHASAN

IKINALULUNGKOT natin ang biglaang pagpanaw ng isang tagausig ng Maynila kamailan sa marahas na paraan – ang ika-50 biktima ng nakamamatay na pag-atake sa mga nagpapatupad ng batas mula noong 2016.

Muli, nais kong manawagan sa mga kinauukulan na gumawa ng imbestigasyon at bigyang-pansin ang pangangailangan para sa paglikha ng special task force na binubuo ng Department of Justice (DOJ), Philippine National Police (PNP), Commission on Human Rights (CHR) at Integrated Bar of the Philippines (IBP) upang tugunan o matuldukan ang mga pagpatay sa mga abogado.

Mariin nating kinukondena ang pagpaslang sa ating kapwa abogado na si Jovencio Senados, ang pinuno ng inquest division ng Manila City Prosecutor’s Office, kung saan siya ay pinagbabaril habang papunta siya sa trabaho.

Hinihikayat ko ang ating mga awtoridad na gawin ang lahat ng paraan upang matiyak na ang karumal-dumal na pagpatay ay mabigyan ng katarungan. Hindi namin mapapahintulutan ang mga walang kagatol-gatol na pangyayari ay ipagwawalang-bahala sa ­ating mga batas.

Marahil inyong natatandaan na noong nakaraang taon, inihain natin sa Kamara ang House Resolution No. 185 na nananawagan para sa isang pagsisiyasat ang pagkamatay ng mga nagpapatupad ng batas.

Sa nasabing resolusyon ay hinihikayat din natin ang DOJ at PNP, sa pakikipagtulungan ng CHR at IBP, na lumikha ng special task force na magpapatupad ng legal na aksyon upang mahuli ang mga may pananagutan sa mga pagpatay at mabigyan ng kata­rungan ang mga biktima.

Ang pagpatay sa mga abogado, tagausig, at mga hukom ay may chilling effect para sa tamang dispensasyon ng hustisya sa ating bansa. Ang pagkabigong protektahan ang ating mga taga­paglunsad ng batas ay magpapahina ng loob sa mga ordinaryong mamamayan mula sa pagkamit ng katarungan.

Kung pati ang mga tagapagtanggol ng batas ay kayang ­paslangin ng makapangyarihan, paano na lang ang karaniwang tao. Naniniwala ako na hindi pinahihintulutan ng gobyerno na mamuhay tayo sa gayong kaisipan.

Kailangan natin ng agarang pagkilos at ipresenta ang magandang resulta upang matiyak ng ating mga kababayan na maaari silang maghangad ng pantay na hustisya sa ating legal system nang walang takot sa banta ng paghihiganti.

FORWARD NOW Ni REP FIDEL NOGRALES

Related posts

Leave a Comment